Tinututulan ng iba’t ibang sektor MAHARLIKA FUND ‘PLUNDER RECIPE’

(BERNARD TAGUINOD)

PINAGHIHINAY-HINAY ng isang mambabatas ang liderato ng Kamara sa pagpapatibay sa House Bill (HB) 6398 na magtatatag ng Maharlika Wealth Fund (MWF) dahil maraming usapin ang kailangan munang plantsahin.

Kailangan ding pag-aralang mabuti ang panukala na maaari umanong magsilbing recipe ng isang plunder.

Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, tama si presidential son at House senior deputy majority leader Sandro Marcos na hindi dapat madaliin ang nasabing panukala bagkus ay dapat itong pag-aralan munang mabuti.

“I join Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos in effectively urging that the Maharlika Sovereign Wealth Fund bill should not be fast-tracked The Maharlika proposal must pass the furnace of exhaustive legislative debates and searching scrutiny,” ani Lagman.

Sinabi ng mambabatas na kung bibilisan ang nasabing panukala at hindi dadaan sa masusing pagsusuri ay posibleng mapabilang ito sa mga palpak na batas.

Kontrobersyal ngayon ang panukala dahil halos lahat ng sektor ng lipunan lalo na ang mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) ay tutol dito.

“Overwhelming issues beset the Maharlika proposals like its fiscal propriety, economic timeliness, legal constraints, protection of pensioners’ and depositors’ benefits, excessive emoluments and allowances of officials, precipitate investments, tax exemptions, and magnet for corruption,” ani Lagman kaya dapat itong pag-aralang mabuti.

Noong November 28, inihain ang panukala at kinahapunan ay binasa ito sa plenaryo ng Kamara para sa unang pagbasa at kinabukasan, November 29, isinalang ito sa committee hearing at binuo agad ang Technical Working Group (TWG) na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda matapos aprubahan.

Sinabi ni Salceda na target nilang maipasa ang panukala sa December 12, bago ang Christmas break ng Kongreso sa December 15. Subalit umani ito ng pagtutol, hindi lang sa mga miyembro ng SSS at GSIS kundi sa iba’t ibang sektor kasama na ang business sector.

Kahapon, sumugod sa Kamara ang mga militanteng grupo sa pangunguna ng Bayan Muna para irehistro ang kanilang pagtutol sa nasabing panukala.

“Bayan call for the junking of the said legislation against the MWF which is a “sure recipe for the plunder of our workers’ pension funds and public coffers,” pahayag ng grupo.

Business Groups
Diskumpyado

Samantala, mahaba at mabusisi ang paglalarawan ng isang senador sa isinusulong na Maharlika Wealth Fund, sa kabila ng napipintong pagpapatibay ng panukala sa Kamara.

Pag-amin ni Senador Bong Go, dadaan sa butas ng karayom ang MWF Bill pagdating sa Senado. Partikular na tinukoy ng senador na magiging usapin ang istruktura ng isinusulong na panukalang MWF.

“Siguro mahabang usapan ‘yan, mahabang debate. Ang importante po dito, ang tanong is ‘who will manage? Sino po ang magdadala?’,” ani Go sa isang ambush interview, ilang saglit matapos dumalo sa isang Bicameral Conference Committee meeting sa Manila Golf Club sa Makati City.

Para kay Go, higit na angkop ang mas metikulosong pag-aaralan sa panukalang target humugot ng paunang pondo mula sa buwanang kontribusyon ng mga manggagawang miyembro ng SSS at GSIS.

Hindi rin aniya dapat mabahiran ng pulitika ang itatalagang pamunuan ng giit na MWF.

Sa ilalim ng House Bill 6398 (Maharlika Investments Fund Act), itataguyod ang isang mekanismo para palaguin ang limitadong pondo ng gobyerno.

Gayunpaman, hindi kumbinsido ang publiko matapos malaman na magmumula sa SSS, GSIS, Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines ang paunang kapital na sasabak sa stock market.

Bahagi rin ng inisyatiba ang paghugot ng bukod na P25 bilyon mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Amusement and Gaming Corp.

“Dapat credible na tao ang magdadala nito, individual or group. It should be, yung tiwala ng tao, mapagkakatiwalaan dapat ang magdadala nito,” pagtatapos ni Go.

Maging ang sektor ng negosyo, diskumpyado. Patunay nito ang ang pinag-isang pahayag ng ilang prominenteng business groups kabilang ang Foundation for Economic Freedom, Competitive Currency Forum, Filipina CEO Circle, Financial Executives Institute of The Philippines, Institute of Corporate Directors, Integrity Initiative, Inc, Makati Business Club, Management Association of The Philippines, Movement for Good Governance, Philippine Women’s Economic Network, UP School of Economics Alumni Association at ang Women’s Business Council Philippines.

“The principles of fiscal prudence, additionality, solvency of social pension funds, contingent liabilities, monetary independence of the Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), government in the economy, and transparency,” ayon sa pinag-isang pahayag ng mga nabanggit na business groups kaugnay ng napipintong pagkabangkarote ng SSS at GSIS sa sandaling pumalya ang plano ng gobyerno. (May dagdag na ulat si FERNAN ANGELES)

44

Related posts

Leave a Comment