‘YOUNG GUNS’ GINAGAMIT SI VP SARA PARA MAKILALA

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

NAIS lamang magpapansin at makilala ang tinaguriang ‘young guns’ ng mababang kapulungan ng Kongreso kaya binabatikos ng mga ito si Vice President Sara Duterte.

Tugon ito ni former chief presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo, matapos hingi ng young guns ang pagbibitiw sa puwesto ni Vice President Sara Duterte.

Pinatutsadahan din niya ang grupo bilang mga “young unknown”.

Matatandaang sa pulong balitaan kamakailan, hinimok ni AKO-Bicol Party-list Rep. Raul Angelo Bongalon ang Pangalawang Pangulo na magbitiw na lamang sa puwesto kung hindi rin lang ito interesado sa kanyang tungkulin.

Ang pahayag na ito ni Bongalon, ay kasunod sa hindi pagdalo ni VP Sara at ng iba pang opisyal ng Office of the Vice President (OVP) sa budget hearing ng tanggapan para sa susunod na taon.

“Naghahanap sila ng plataporma na makilala sila. Hindi mo kakila-kilala ‘yang mga iyan. Mga bagong mukha, mga bagong salta sa Kongreso na kaya makikita ang mga pahayag nila puro dispalinghado,” ani Panelo.

Samantala, hinimok ni Vice President Sara Duterte ang mga mambabatas na itigil na ang paggamit ng mga ‘unreliable witnesses’ laban sa kanya para sa kanilang hangarin na sirain ang kanyang reputasyon.

Binatikos ni VP Sara ang House good government committee sa paggamit kay Department of Education (DepEd) undersecretary Gloria Mercado para tingnan ang di umano’y maanomalyang transaksyon sa ahensya noong siya ay Kalihim pa ng departamento.

“Sa pagpapatuloy ng mga tangka na sirain ang pagkatao ko, nais ko sanang himukin ang ating mga mambabatas na itigil ang paggamit ng mga testigo na walang kredibilidad o di kaya ay kwestyonable ang layunin,” ayon kay VP Sara.

Inilarawan naman ni VP Sara ang papel ngayon ni Mercado bilang bahagi ng “political machinery” laban sa kanya.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

127

Related posts

Leave a Comment