INANUNSYO ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na ilalabas ng gobyerno ang National Food Policy sa Oktubre kahit na patuloy na pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang pagtugon sa COVID-19.
Sa kanyang pinakahuling Facebook Live episode, sinabi ni Nograles –– Chair ng Zero Hunger Task Force at Co-Chair ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ng gobyerno –– na ilulunsad na ang NFP sa World Food Day, na ginugunita tuwing ika-16 ng Oktubre kada taon.
Ayon kay Nograles, sa halip na maging sanhi ng pagkaantala sa pagbabalangkas nito, mas pinalalaki pa ng COVID-19 pandemic ang halaga ng kagyat na paglunsad ng NFP.
“Mas napapanahon pa ito ngayong nahaharap tayo sa isang pandemya. Sinabi ng mga eksperto na pagkatapos ng pagtugon ng mundo sa COVID-19, ang kagutuman ang susunod na problema, pati na rin ang kahirapan,” ayon sa opisyal ng Palasyo.
Ipinunto ni Nograles na ang pandemya ay nag-ambag ng gutom dahil noong una ay nagambala nito ang transportasyon at pag-usad ng kargamento, na nakakaapekto sa suplay ng pagkain sa merkado.
Sa kabila ng mga hamon ng pandemya, sinabi ni Nograles na layunin pa rin ng NFP na makamit ang Sustainable Development Goal No. 2, na naglalayong wakasan ang kagutuman sa mundo sa taong 2030.
Batid ng dating mambabatas na “maaaring mas mahirap ito, ngunit walang makapipigil sa atin na ito’y subukan.”
“Ang nararanasang kagutuman ng karamihan ay posibleng mas lumala pa… higit na kailangan nating makamit ang #GoodbyeGutom sa taong 2030.”
Batay sa Executive Order No. 101, ang NFP “ay magbabalangkas ng mga pambansang prayoridad na nakabatay sa isang komprehensibong pag-unawa sa problema ng kagutuman at mga kaugnay na usapin, at magbibigay ng isang roadmap para makamit ang #GoodbyeGutom, na naaayon sa mga umiiral na batas at mga alituntunin.”
Ipinaliwanag ni Nograles na kabilang sa mga isyung hinahangad na tugunan ng NFP ang (1) food production; (2) food accessibility and availability; (3) nutrisyon; at (4) food resiliency. (CHRISTIAN DALE)
147
