CAVITE – Nauwi sa engkwentro ang ikinasang anti-carnapping operation ng Provincial Highway Patrol Team ng Cavite na ikinamatay ng isang suspek na umano’y Navy, habang isang pulis ang namatay rin at isang sibilyan ang suagatan matapos tamaan ng ligaw na bala noong Biyernes sa Cavite Road, Brgy.8, Pulo, Cavite City.
Ayon sa report, nagpapatrolya ang Highway Patrol Team Cavite, na pinangungunahan ni P/Capt. Eduardo Joy Guadamor, kasama sina P/CMS. Julius Arcalas at P/SSG. Emerrson Domingo.
Bandang ala-una ng hapon nang may maispatan silang isang Nissan Terra na silver gray na walang plate number, sakay ang dalawang kalalakihan.
Pinahinto ng HPT ang sasakyan upang beripikahin ang kanilang dokumentong hawak tulad ng Original Receipt (OR) at Certificate of Registration (CR).
Ngunit hindi nagpakita ng anumang dokumento ang dalawa bagkus ay nagpakilalang ang mga itong Navy at ipinakita ang kanilang uniporme.
Pagkaraan ay biglang binuksan ang bintana ng sasakyan at bumunot ng cal. 5.56 bushmaster ang isa sa mga suspek sabay pinaputukan ang tropa ng HPT.
Sa puntong ito, napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad na ikinamatay ng isa sa mga suspek habang mabilis na tumakas ang driver patungong bayan ng Noveleta.
Samantala, tinamaan ng ligaw na bala ang sibilyan na si Eduardo Magbana ng Brgy. 8, Pulo 3, Cavite City habang malubhang nasugatan si P/CMS. Arcalas na agad dinala sa Cavite Medical Center ngunit idineklara itong dead on arrival.
Sa kasalukuyan, nagssagawa ng operasyon ang mga awtoridad upang madakip ang tumakas na suspek. (CYRILL QUILO)
320
