Nawalan ng trabaho sa pandemya PINASASAKOP SA BATAS NA NAG-AALIS NG BAYARIN SA MGA DOKUMENTO

NAIS ni Senador Lito Lapid na amyendahan ang batas kaugnay sa pag-aalis ng fees at iba pang bayarin para sa mga first time jobseekers upang saklawin na rin ang mga nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.

Inihain ni Lapid ang Senate Bill 2090 na naglalayong amyendahan ang RA 11261 o ang “First Time Jobseekers Assistance Act”.

Alinsunod sa panukala lahat ng ahensya ng gobyerno kabilang na ang Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs), Local Government Units (LGUs), at hindi na maniningil ng anomang fees o charges mula sa mga jobseeker na nawalan ng trabaho dahil sa pandemic.

“Dapat nang saklolohan ang mga kababayan nating nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang ito. Mag-iisang taon na simula nang unang ipatupad ng ating gobyerno ang lockdown dahil sa COVID-19 pandemic pero kahit wala nang lockdown, hanggang ngayon dama pa rin ng marami sa ating mga kapatid ang hirap lalo na ang mga biglang nawalan ng trabaho,” saad ni Lapid.

“Nariyan ang mga nagtityagang pumila para sa ayuda, mga PUV driver na namamalimos na lamang sa mga kalsada at mga empleyadong napatalsik sa trabaho dahil na rin sa mga naluging negosyo. Kaya para makaahon ang mga kababayan natin sa hirap na ito, dapat tulungan natin silang mabilis na makahanap ng trabaho at isang paraan ay mailibre sila sa mga bayarin lalo sa mga dokumentong kailangan nilang iprisenta oras na mag-apply na sila sa bagong trabaho,” dagdag pa ng senador.

Batay sa October 2020 Labor Force Survey, umakyat sa 14.4% ang underemployment habang 8.7% ang unemployment rate sa gitna ng pandemya.

“Ang gusto ko lang masiguro ay magawa ng ating gobyerno ang lahat ng makakaya nito para matulungan ang mga nawalan ng trabaho ngayong may pandemya. Malaking bagay ito para mapabilis ang pag-recover ng ating mga kababayan at oras na mangyari ito, malaki rin ang ambag nito para makaahon ang ating ekonomiya,” giit ni Lapid.

“Malaking tulong sa ngayon na mapadali ang paghahanap ng trabaho para sa ating mga kababayan para agad din silang makatayo sa kanilang sariling paa, may ayuda man na ibigay ang gobyerno o wala,” dagdag pa nito. (DANG SAMSON-GARCIA)

465

Related posts

Leave a Comment