BINATIKOS ng Makabayan bloc sa Kamara ang Government Service Insurance System (GSIS) dahil umano sa pagtatago ng taunang dibidendo ng mga miyembro, kahit ipinagmamalaki nitong lumaki ang kita ng ahensya.
Sa ilalim ng House Resolution (HR) 416, nanawagan ang grupo na imbestigahan kung bakit itinigil ng GSIS ang pagsasapubliko ng dibidendo noong Mayo 5, 2025, kasunod ng paglabas ng Board Resolution No. 20 o “Approval of Non-Declaration of 2023 for Compulsory Life Insurance Policies.”
Ayon sa Republic Act 8291 (GSIS Act of 1997), obligadong isapubliko ng GSIS ang mga dibidendo ng mga miyembro taon-taon — kaya’t kinuwestiyon ng mga mambabatas kung bakit bigla itong itinigil ngayong taon.
Noong 2019, nagdeklara ang GSIS ng ₱174 milyon na dibidendo para sa 2.09 milyong miyembro, kung saan halos kalahati ay mga public school teachers. Subalit ayon sa ulat ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), ₱74 milyon lamang umano ang natanggap ng mga guro.
Pagsapit ng 2020, tumaas pa sa ₱332 milyon ang dibidendo — ngunit mula noon, naging tahimik na ang GSIS sa naturang usapin.
Lalo itong nakapagtataka, ayon sa Makabayan bloc, dahil lumobo pa sa ₱135.7 bilyon ang kita ng GSIS noong 2024, mula sa ₱112.1 bilyon noong 2023. Mismo si GSIS President and General Manager Wick Veloso ang nagsabing umabot sa ₱1.88 trilyon ang assets ng ahensya — mas mataas sa ₱1.54 trilyon noong nakaraang taon.
“Despite all these, government employees complain that they are not receiving any dividend from GSIS,” ayon sa resolusyon.
Samantala, naghain din ng hiwalay na resolusyon si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima para imbestigahan ang mga pamumuhunan ng GSIS sa naluluging pribadong kumpanya, na umano’y naglalagay sa panganib sa pension funds ng mga miyembro.
“Para bang isinusugal ng GSIS ang hindi nila pera sa kwestyonableng mga transaksyon—kung lumago, magpasalamat na lang ang mga taga-gobyerno dahil may balatong pang-benepisyo. Eh paano sa mga nalugi? Hindi naman sila ang talo. Talo ang milyon-milyong Pilipino,” giit ni De Lima.
(BERNARD TAGUINOD)
16
