NBA rigodon tuloy SETH CURRY TARGET NG LAKERS

Ni VT ROMANO

SA pinakahuling kaganapan sa rigodon sa NBA, nag-uusap ang Los Angeles Lakers at Brooklyn Nets sa isang trade package kung saan magpapalitan ng point guards sa pagitan nina Russell Westbrook at Kyre Irving.

Ayon sa multiple sources ng liga, may nakikitang dahilan para magkasundo ang magkabilang kampo, bagama’t mayroon pang mga dapat plantsahin.

Nais ng Nets na si shooting guard Joe Harris, ­nagpapagaling mula sa left ankle surgery, at ang nalalabi nitong $38.6 million sa susunod na dalawang taon ay mapasama sa deal.

Hindi pa sumasang-ayon ang Lakers, na mas gusto si sharpshooter Seth Curry na maisingit sa usapan. May expiring $8.5 million deal si Curry sa Nets.

Sa ngayon, pawang preliminary discussion pa lamang ang nagaganap. Si Irving, 30 at si Westbrook, 33, ay kapwa nag-­­opt in sa kanilang final year para sa 2022-23 season na nagkakahalaga ng $36.5 million at $47 million, ayon sa pagkakabanggit.

Gusto ng fans ng Lakers na i-trade si Westbrook dahil hindi anila ‘fit’ sa sistema ng team. Pangit ang naitalang statistics ni Westbrook sa kampanya ng Los Angeles, nabigong makapasok kahit sa play-in tournament.

Sa panig ni Irving, dahil sa pagtangging magpabakuna laban sa COVID-19, halos nakailang laro lang siya sa Nets, bigong umusad sa conference finals.
Sina Irving at LeBron James ay nagkasama na sa Cleveland Cavaliers.

KD ‘DI MAKAPIPILI
NG TEAM

MATAPOS ang kanyang ‘trade request’ sa pagbubukas ng free agency, idinepensa ni Brooklyn Nets star Kevin Durant ang sarili.

Sa kanyang twitter account, inihayag ni Durant na nagtrabaho siya nang husto at batid umano iyon ng mga nakasama niya.

Hindi naman malinaw kung ang nasabing tweet ay bilang ­tugon sa ilang taong kinukuwestyon ang kanyang work ethic.

“The ones who were locked in that gym with me know what it is, they know what I’m about. If u haven’t been in there with me, ask around,” tweet ni Durant.

Naging malaking sorpresa sa NBA ang ‘trade request’ ni Durant. Ayon sa ulat, nais umanong pumunta ni Durant sa Phoenix Suns o kaya’y sa Miami Heat.

Ngunit malabo ito, ayon sa sources na nagsabing ang final destination ni Durant ay nakadepende sa offer ng ibang team, na inaasahang magiging pinakamalaking trade package sa NBA history.

Walang ‘no-trade clause’ sa kontrata ni Durant at bagama’t nais niya sa Heat o sa Suns, wala siyang kontrol sa kung anong koponan ang kanyang mapupuntahan.

GARLAND MAY
BIGGEST CONTRACT
SA CAVS

NAKAMAMANGHANG $193 million maximun five-year rookie contract extension ang napagkasunduan ng Cleveland Cavaliers at guard Darius Garland, ayon sa ESPN.

Ito ang pinakamalaking kontratang naibigay ng koponan sa kasaysayan ng prangkisa.

Aakyat sa $231 million ang nasabing kontrata, kung mapapabilang si Garland sa All-NBA roster o ‘di kaya’y mananalo ng league MVP sa susunod na season.

Noong Abril pa lang, siniguro na ni Cavs general manager Koby Altman sa mga reporter ang pananatili nang matagal ni Garland sa koponan.

Si Garland, may average 21.7 points (46/38/89 shooting splits), 8.6 assists at 3.3 rebounds sa 35.7 minutes per game sa nakalipas na season, ay inakay ang Cavaliers sa unang winning season sapul nang lisanin ni LeBron James ang franchise noong 2018.

Ang season-ending injuries kina Jarrett Allen, Collin Sexton at Ricky Rubio ang dahilan ng kabiguang makakuha ng playoff spot at maging sa play-in tournament ng team.

No.5 overall pick sa 2019 NBA draft, pumangatlo si Garland sa Most Improved Player voting sa likod nina Memphis Grizzlies star Ja Morant at Atlanta Hawks’ new All-Star guard Dejounte Murray.

170

Related posts

Leave a Comment