PUNA Ni JOEL AMONGO
KUNG ang tatanungin natin ay ang local government units (LGUs) na may No-Contact Apprehension Policy (NCAP), natural na nakatutulong ito sa kanila.
Una, sa kita ay makikinabang ang mga LGU sa pagpapatupad ng NCAP.
Sa ilalim ng NCAP, ang motorista ay kailangang magbayad ng P2,000 para sa first offense; P3,000 para sa second offense, at P4,000 para sa third offense.
Halimbawa sa Lungsod ng Maynila ay may 300 motorista na nagkaroon ng first offense violation na may multang P2,000, sa loob ng isang araw ay tumataginting itong P600,000.
Kung ang 40% o P240,000 ng P600,000 na makokolekta mula sa first offender na motorista ay mapupunta sa contractor ng CCTV na ginagamit sa mga kalsada na nagre-record ng mga lumalabag sa batas trapiko, ang matitira nitong P360,000 o 60% ay mapupunta sa LGUs.
Malaking kita itong mapupunta sa kaban ng bawat siyudad.
Hindi pa kasama riyan ang second offense na may multang P3,000 at P4,000 para sa ikatlong paglabag.
Kabilang sa mga dahilan ng LGUs na kaya gusto nila ang pagpapatupad ng NCAP ay para maiwasan ang pangongotong ng kani-kanilang traffic enforcers sa mga motorista.
At para maturuan na rin ang mga motorista sa pagsunod sa batas trapiko kahit walang nakabantay na traffic enforcers.
Kung kumikita ang LGUs sa NCAP, ay itinuturing naman itong kalbaryo sa mga may-ari ng mga sasakyan lalo na ang pampasahero, tulad ng taxi, grab, jeepney at bus.
Naiipon ang kanilang bayarin pagdating ng renewal ng rehistro ng kanilang mga sasakyan taon-taon.
Tulad na lamang ng isang maliit na operator ng taxi na lumapit sa PUNA, nabigla siya sa kanyang unit ng taxi na may babayaran siyang mahigit sa P30,000 dahil lang sa paglabag sa NCAP.
Kaya unti-unti niyang ibinebenta ang kanyang mga taxi dahil sa problema niya sa bayarin dahil sa NCAP.
Kamakailan ay umapela si Land Transportation Office Chief Atty. Teofilo Guadiz III sa LGUs na pansamantalang suspendehin muna ang pag-papatupad ng NCAP.
Hindi pumayag ang ilang LGUs, tuloy ang kanilang pagpapatupad ng NCAP.
Sa joint statement na nilagdaan kamakailan nina Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, Parañaque City Mayor Eric Olivarez, Quezon City Mayor Joy Belmonte, San Juan City Mayor Francis Zamora at Manila Mayor Honey Lacuna, nakasaad:
“As we move forward, the undersigned Local Chief Executives in the exercise of our powers as such in full consideration of the promotion of the general welfare of our respective constituents, shall continue to implement NCAP within our cities.”
Kamakailan kinuwestiyon din ni Albay Rep. Joey Salceda ang legalidad ng pagpapatupad ng NCAP partikular ang multa nito.
Kawawang motorista dagdag pasanin sa kanila ang NCAP na ito.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
