MANANATILI sa general community quarantine (GCQ) ang National Capital Region, Batangas, Iloilo City, Bacolod City, Tacloban City, Iligan City at Lanao del Sur.
Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang taped message para sa bagong quarantine classification para sa Nobyembre 1 hanggang 30.
Sinabi ni Pangulong Duterte na ang mga panukalang proposed community quarantine classifications ay nananatiling ‘subject to appeal’ mula sa concerned local government units.
Nauna rito, kinumpirma ni Presidential spokesperson Harry Roque na pupulungin ni Pamgulong Duterte sa Davao City ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) para talakayin ito.
Aniya, rerepasuhin ng IATF ang rekomendasyon ng mga mayor ng Metro Manila na panatiliin sa GCQ ang Metro Manila hanggang sa katapusan ng taon.
Umiiral ang GCQ sa NCR mula pa noong Hunyo.
Samantala, mas marami nang negosyo at establisimyento ang pinayagang mabuksan bilang bahagi ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya. (CHRISTIAN DALE)
