ISINELDA ang isang 32-anyos na negosyante makaraang madakip sa isinagawang manhunt operation ng pinagsanib na puwersa ng Manila Police District kaugnay sa pagpapaputok ng baril at pananakot sa Ermita, Manila noong Lunes.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Gilbert Cruz ang suspek na si Lyle Adams Fernandez, may asawa, ng Mangaldan, Pangasinan.
Inaresto si Fernandez sa follow-up operation sa A. Mabini St. malapit sa Padre Faura St., Brgy. 669, Ermita, Manila noong Lunes ng gabi
Ayon kay MPD Director P/Brig. General Andre Perez Dizon, noong Lunes ng umaga, nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at ang kanyang kasintahan na si Liezel na isang aplikante sa Lifework International Agency sa CRS Tower sa Paco, Manila.
Nagalit umano ang suspek na armado ng baril kaya nagpaputok at nanakot sa mga naroroon sa loob ng gusali bandang alas-10:00 ng umaga.
Agad namang humingi ng tulong si Hannah Yousef Mowchin sa Paz PCP-MPD PS-5 kaya’t agad inatasan ni Police Captain Albert Badiola ang kanyang mga tauhan na magresponde sa lugar ngunit tumakas ang nasabing suspek.
Sa ikinasang follow-up joint operation sa pangunguna nina Police Captain Bernardo Diego, kasama ang mga operatiba ng Criminal Investigation Section sa pamumuno naman nina PMajor Alfredo Tan, at Maj. Edwin Fuggan, ay naaresto ang suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang .38 kalibreng baril, at isang (1) empty cartridge case na isasailalim sa ballistic examination.
Ayon kay P/MSg. Emiliano Buño Jr., nahaharap ang suspek sa patong-patong na kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, alarm and scandal and/o indiscriminate firing, other threats, at RA 9262 (Violence against Women and Their Children Act).
(RENE CRISOSTOMO)
