CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SINUSUYOD ng mga kandidato sa pagka-senador ang bansa, at sa pagsuyod, natural makikisuyo na sila ay iboto.
Kanya-kanyang plataporma at bitbit na pangako ang mga senatorial candidate. Lahat nangangako ng tapat at epektibong paglilingkod. Pero may isang kandidato na mahirap paniwalaan dahil ang negosyo ng kanyang pamilya ay inuulan ng batikos sa palpak na serbisyo. Siya si Camille Villar.
Pag-aari ng pamilya Villar ang PrimeWater Infrastructure Corp., at matagal na itong iniinda ng libo-libong Pilipino.
Sa Angeles City, Pampanga nirereklamo ang tubig na mahina ang tulo, suplay na madalas nawawala, at maruming tubig na tila hindi dumaan sa proseso ng puripikasyon. Mula nang i-take-over ng PrimeWater ang water district ng lungsod noong 2020 ay lalo pang naperwisyo ang mga residente.
Punta tayo sa Malaybalay City, Bukidnon. Sinabi na mismo ng Commission on Audit na bumagsak ang kita at kalidad ng serbisyo matapos pumasok sa kasunduan ang PrimeWater at ang local water district. Ang PrimeWater ay may kasalukuyang joint venture agreements sa di-bababa na 75 local water districts sa buong Pilipinas.
Kaya pati si Ogie Diaz, kilalang entertainment writer at talent manager, ay nakiusap na rin. Napuno na ata.
Sa isang Facebook post, sinabihan ni Ogie si House Deputy Speaker Camille Villar na itigil muna ang pangakong pabahay para sa bawat pamilyang Pilipino at unahin na lang ang pagbibigay ng sapat at tuloy-tuloy na suplay ng tubig mula sa PrimeWater.
Ani Ogie, kawawa ang mga customer. Mahal na nga raw ang singil, ang dalang pa ng tulo. Nga naman, uhaw sa tubig.
Sa totoo lang, kung isa kang politiko na galing sa pamilyang may negosyo sa tubig, at sablay ang serbisyo nito, hindi ba’t unahin mo muna itong ayusin bago mo sabihing gusto mong pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino.
Sa tubig pa nga lang, imbes na guminhawa ang mga tao ay dusa ang nasahod.
Sa social media, hindi rin nakalusot si Camille sa mga patutsada, at bumuhos din ang reklamo ng mga customer mula sa mga lugar na uhaw dahil sa kakulangan ng tubig.
Pahirap daw ang serbisyo. Nagbabayad sila nang maayos, wala naman sapat na supply ng tubig. Si Camille, bilang miyembro ng pamilyang may kontrol sa PrimeWater, ay may pananagutan sa hinaing ng taong-bayan. Kung negosyo pa lang ng pamilya ay hindi kayang ayusin, ano pa kaya kung Senado na ang saklaw ng kanyang tungkulin at kapangyarihan?
Sa halalan, boses ng tao ang dapat marinig. Kaya huwag tayong basta pabobola sa matamis na pangako. Ang serbisyo sa tao ay hindi nakikita sa mga TV ads at campaign jingles. Sipatin at arukin natin ang tunay na record.
Kung nauuhaw kayo sa tubig, aba kumilos kayo para makaiwas sa iba pang ipagkakait na serbisyo. Kung aandap-andap ang gripo, ano ang maaasahang daloy ng serbisyo sa Senado? Kwidaw sa kandidatong mas mahalaga sa kanila ang kapangyarihan, pribilehiyo at impluwensya dala ng posisyon sa gobyerno. Huwag magpadala at magpabudol sa mga bolero.
