CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Matagumpay na nagbalik-loob sa pamahalaan ang 13 lokal na mga terorista mula sa South Cotabato, sa tulong ng mga sundalo at ng lokal na pamahalaan ng Barangay Miasong, Tupi, South Cotabato.
Ayon kay Lt. Col. Danny Magaso, pinuno ng 5th Special Forces Battalion, ang mga sumuko ay kinabibilangan ng dalawang dating miyembro ng komunistang terorista at sampung mass base supporters ng kilusan sa ilalim ng Far South Mindanao Region (FSMR), gayundin ang isang tagasuporta ng Ansar Khilafa Philippines (AKP).
“Ang kanilang pagsuko ay naisakatuparan sa tulong din ni Hon. Pablito Escobillo, Brgy Chairman ng Brgy. Miasong sa nasabing bayan,” wika pa ni Lt. Col. Magaso.
Bitbit din nila sa kanilang pagsuko ang walong mga kagamitang pandigma na kinabibilangan ng tatlong M14 7.62mm Rifle, isang Single Shot 7.62mm Rifle, isang Browning Cal. 30mm Automatic Rifle, dalawang Carbine M1 Cal. 30mm Rifle at isang Garand Cal. 30mm Rifle.
Agad namang iprinesenta ni Brigadier General Andre Santos, ang commander ng 1st Mechanized Brigade, kasama si Ms. Sonia L. Bautista ng Provincial Social Welfare and Development Office, at barangay official sa nasabing barangay, ang mga nagbalik-loob kay South Cotabato Governor Reynaldo S. Tamayo
Pinuri naman ni Major General Antonio Nafarrete, pinuno ng 6ID at Joint Task Force Central, ang pagsisikap ng mga sundalo na matulungan ang mga ito na maisakatuparan ang hangarin nilang magbagong buhay.
“Ikinagagalak ko ang hakbang na ito ng labintatlong mga personalidad sa kanilang hangarin na magbagong buhay. Gayundin ang ating kasundaluhan at lokal na pamahalaan sa kanilang pagsisikap na mahanap at bigyan ng maliwanag na kaisipan ang mga naging biktimang ito ng sirkumstansya at maling paniniwala at mahikayat silang yakapin ang kapayapaan at matiwasay na buhay sa piling ng kanilang mga minamahal na pamilya”, pahayag ni Maj. Gen. Nafarrete. (JESSE KABEL RUIZ)
80