ANIM PATAY SA BAHA AT LANDSLIDES, 1 PA MISSING SA MINDANAO

UMAKYAT na sa anim katao ang iniulat na namatay bunsod ng patuloy na nararanasang malalakas na mga pag-ulan na naging sanhi ng mga pagbaha at landslides sa malaking bahagi ng Mindanao.

Habang isa naman ang iniulat na nawawala bunsod din ng torrential rain na nananalasa ngayon sa Mindanao simula pa noong nakalipas na linggo dahilan para lumikas ang libo-libong tao sa itinayong evacuation centers.

Sa huling ulat na ibinahagi ng local NDRRMC office, na-retrieve na ang bangkay ng tatlong biktima na natabunan sa pagguho ng lupa habang nasa kasagsagan ng malakas na pag-ulan sa Maragusan, Davao de oro.

Kinilala ang mga biktimang sila Ananias Andoy, 53; Virginia Buhian, 59, at ang menor de edad na si Jerlyn Lada, mga residente ng Purok Buongon, Sitio Saranga, Barangay Poblacion sa Lungsod sa Maragusan.

Bukod sa tatlo, patuloy na pinaghahanap ng Maragusan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, at mga local rescue unit ang isang alyas “Felipe” na target ng kanilang nagpapatuloy na retrieval operation matapos na maitalang nawawala.

Ayon sa NDRRMC, kabilang ang bulubunduking bayan ng Maragusan sa hardest hit areas kung saan may 23 landslides ang naitala simula noong Linggo gayundin ang kalapit bayan na New Bataan kung saan kinailangang ilikas ang 10,000 katao sanhi ng baha.

“Our town is surrounded by mountains so landslides are an ever-present threat. It’s been raining almost daily here,” ani Maragusan MDRRMO chief Romeo Tublag.

Samantala, tatlo rin ang iniulat na namatay sa New Bataan. Sa nasabing lugar ay namatay ang isang lalaki sanhi ng landslide habang isang babae naman ang tinangay ng malakas na agos habang patay naman ang isa pang lalaki matapos na makuryente nang abutin ng baha ang kanilang bahay.

Samantala, batay sa pinakahuling tala ng Office of the Civil Defense 11, nasa 22,875 ang apektado sa pagbaha at landslide mula sa pitong barangay ng Davao de Oro, walong mga barangay sa Davao Oriental at dito sa Lungsod ng Davao.

Ang apektadong mga barangay ng Davao De Oro ay kinabibilangan ng Compostela, Monkayo, New Bataan, Maragusan, Montevista, Nabunturan, at Pantukan.

Samantala sa Davao Oriental naman ay kinabibilangan ng Cateel, Caraga, Boston, Governor Generoso at Mati City.

Inihayag ni Franz Irag, OCD XI Operations Section chief, sa ngayon tatlong mga kalsada sa Davao de Oro at tatlo naman sa Davao Oriental ang hindi pa madaanan dahil sa landslide at pagbaha.

(JESSE KABEL RUIZ)

541

Related posts

Leave a Comment