AGAD nadakip ang isang 25-anyos na lalaki makaraang pagpapaluin ng kahoy ang isang 28-anyos na binata sa Torres Bugallon Street, Tondo, Manila nitong Biyernes ng madaling araw.
Kasalukuyang inoobserbahan sa pinagdalhang pagamutan ang biktimang si Robin Rellama, residente ng Tondo, Manila.
Kinilala naman ang suspek na si Jose Rostro Jr. ng nasabi ring lugar.
Base sa ulat ng Hermosa Police Community Precinct, sakop ng Jose Abad Santos Police Station 7 ng Manila Police District, bandang alas-1:00 ng madaling araw nang abangan ng suspek ang biktima habang pumapasada ng tricycle sa Barangay 220 sa Tondo.
Nang mamataan ang paparating na biktima ay pinagpapalo ito ng suspek ng kahoy sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Mabilis na isinugod ang biktima sa ospital kung saan malubha ang kalagayan nito.
Nadakip naman ang suspek sa inilatag na “Oplan Galugad” ng mga tauhan ng Hermosa PCP. (RENE CRISOSTOMO)
102