EDSA REVOLUTION HOLIDAY GAGAWING BATAS

UPANG putulan ng kamay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at ang mga susunod na pangulo ng bansa na tanggalin ang EDSA Revolution sa mga holiday sa Pilipinas, isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan na gawin na itong isang batas.

Sa House Bill (HB) 9405 na inakda ni Liberal Party (LP) president at Albay Rep. Edcel Lagman, kailangan na aniya ng batas na magdedeklara ng national non-working holiday tuwing ika-25 ng Pebrero kada taon bilang paggunita sa EDSA People Power Revolution, na nagpatalsik sa diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Ginawa ng mambabatas ang nasabing panukala kasunod ng pagtanggal ni Marcos Jr. sa EDSA People Power revolution bilang holiday sa susunod na taon dahil pumatak umano ang February 25, 2024 sa araw ng Linggo.

Ang People Power Revolution holiday ay itinakda sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 82 series of 1999 lamang, kaya nais ni Lagman na gawin na itong batas upang maipatupad ito sa ayaw o sa gusto ni Marcos Jr.

Hindi lingid sa mambabatas na suntok sa buwan ang panukalang ito habang nasa kapangyarihan ang anak ng dating diktador subalit maoobliga aniya ito kasama ang kanyang mga kaalyado dahil kung hindi ay lalong mapapasama ang kanyang imahe.

“The Marcoses and their allies are forced to good in agreeing with the bill because otherwise they would admit to the culpability of the continuing and concerted design of revising and distorting the historical verities of the evils, oppression and profligacy of the Marcos Sr. martial law regime,” ani Lagman.

Nang tanungin ito kung bakit ngayon lamang naisip ng mga ito na magkaroon ng regular na batas sa pagdiriwang sa tagumpay ng sambayanang Filipino na mapatalsik ang pamilyang Marcos sa Malacañang noong Pebrero 25, 1986, sagot mambabatas: “We forgot that Filipinos are forgetful and sitting presidents would treat in varying degrees the celebration of the peaceful EDSA People Power Revolution.”

Dahil dito, inihain ni Lagman ang nasabing panukala upang hindi mabura sa isip ng mga Pilipino lalo na sa susunod na mga henerasyon, ang krusadang pinagdaanan ng sambayanan bago makamit ang kalayaan at demokrasya na sinagkaan ni Marcos Sr. sa dalawang dekadang pamumuno nito sa Pilipinas.

(BERNARD TAGUINOD)

 

559

Related posts

Leave a Comment