Huling hirit kay Duterte 12% VAT SA KURYENTE AT LANGIS PINABABASURA

MULING kinalampag ng minorya sa Kamara ang Palasyo sa paniwalang kakayanin pang pagbigyan ng paretirong Pangulo ang kanilang panawagang pagbasura sa 12%value-added tax (VAT) at excise tax na kinakarga ng gobyerno sa singil sa kuryente at presyo ng mga produktong petrolyo sa merkado.

Giit ni House deputy minority leader Carlos Zarate, pwede naman aniyang kanselahin ang pagpapatupad ng koleksyon ng VAT at excise tax sa kuryente at langis kung gugustuhin ng Pangulong Rodrigo Duterte na dinggin ang panaghoy ng mga mamamayang umaaray na sa kinasasadlakang kahirapan.

“While the time to do these are fast running out, if Pres. Duterte can make ‘midnight appointments’ in the bureaucracy, then he can also strongly push for the scrapping of VAT on electricity and temporary suspension of excise tax on oil, which will benefit many Filipinos,” ani Zarate, kasunod ng hiling ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Agnes Devanadera na ibasura ang VAT sa kuryente at excise tax sa langis.

Ani Devanadera, doble ang buwis na binabayaran sa power industry kung saan ang mga consumers ang nagdurusa bunsod ng pass-on provisions na kalakip ng umiiral na batas.

Bukod aniya sa 12% VAT sa kuryente, nagbabayad din ng excise tax ang mga power generation companies, na kalaunan ay ipinapasa naman sa mga consumers at end users.

“These are righteous calls,” paglalarawan ni Zarate sa panawagan ni Devanadera sa Palasyo.

Hindi na rin aniya kailangan pang bumalangkas at magpasa ng panibagong batas ang Kongreso para lamang matugunan ang malawak na panawagan suspensyon o pagbasura ng VAT at excise tax sa kuryente at langis.

Katunayan aniya, kumpas lang ng Pangulo ang hinihintay ng Bureau of Internal Revenue (BIR). (BERNARD TAGUINOD)

137

Related posts

Leave a Comment