KANDIDATONG KONSEHAL NILIKIDA

PAMPANGA – Walong araw mula ngayon bago ang araw ng eleksyon, isang incumbent barangay captain na kandidatong konsehal sa San Fernando City sa lalawigang ito ang pinagbabaril at napatay ng riding in tandem suspects sa Barangay Magliman nitong Sabado ng umaga.

Sa press statement, mariing kinondena ni Police Regional Office 3 (PRO3) Director BGen. Mathew Baccay ang naturang pamamaslang kay Alasas Barangay Captain Alvin Mendoza.

Si Mendoza ay tumatakbong konsehal ng Lungsod ng San Fernando sa ilalim ng line-up ni mayoralty bet Vilma Caluag ng Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan.

Nangyari ang pamamaril bandang alas-7:00 ng umaga habang ang biktima ay lulan ng kanyang color brown Haima SUV papuntang Barangay Magliman mula sa Barangay Alasas para sa kanilang election party campaign schedule ng araw na iyon.

Base sa police report, dalawang suspek na sakay ng single motorcycle ang sumulpot at pinaputukan ang biktima bago mabili na tumakas.

Agad na isinugod si Mendoza sa San Fernando Hospital ngunit nalagutan ng hininga bandang alas-8:50 ng umaga, ayon sa ulat.

Ayon kay Baccay, nag-order na siya ng malalimang imbestigasyon kaugnay ng pamamaslang at maraming anggulo ang kanilang sinisilip para ma-establish ang posibleng motibo sa krimen.

“We are exerting all means to get into the bottom of this unfortunate incident and we are now in the process of gathering pieces of evidence that will lead us to the identification of the culprits. We assure the public, as well as the victim’s family of our total commitment to ensure immediate resolution of the case through proper investigation,” ayon kay Baccay.

Pahayag ni Baccay, ang pamamaslang kay Mendoza ay itinuturing na top priority case dahil isang local official at kandidato pa ang biktima. (ELOISA SILVERIO)

327

Related posts

Leave a Comment