LABIS na ikinalungkot ng Malakanyang ang insidente ng pagbagsak ng C-130 airplane ng Philippine Air Force nitong Linggo ng tanghali sa Patikul, Sulu.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na nagpapatuloy ang rescue operations at nakikiisa sa pagdarasal ang Malakanyang para sa ligtas na pag-recover sa mga pasahero.
“Let us wait for the Armed Forces of the Philippines to release an update on this very unfortunate incident,” ayon kay Sec. Roque.
Sa huling ulat, nasa 31 na ang kinumpirmang nasawi sa pagbagsak ng C-130 cargo plane.
Inanunsyo ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ilang oras matapos mangyari ang insidente sa Sulu.
Ayon sa updated report, 92 personnel ang sakay ng naturang eroplano, kasama rito ang tatlong piloto at limang crew member.
Ang iba pang lulan ng eroplano ng Philippine Air Force ay mula sa puwersa ng Philippine Army.
Una nang naibalita ang pag-rescue sa 40 indibidwal na sumasailalim na sa gamutan sa 11th Infantry Division Hospital sa Busbus, Sulu.
Nanggaling ang eroplano sa Lumbia Airport sa Cagayan de Oro, at ayon kay AFP chief Gen. Cirilito Sobejana, bumagsak ito matapos na malampasan ang runway.
“Na-miss niya yung runway trying to regain power, at hindi nakayanan, bumagsak dun sa may Barangay Bangkal, Patikul, Sulu,” sambit ni Sobejana. (CHRISTIAN DALE)
