PARA sa nalalapit na pagdiriwang ng Araw ng mga Patay (All Saints Day), naglabas ng paalala ang pamunuan ng Manila Health Department (MHD) upang magkaroon ng sapat na panahon na paghandaan ang pagtungo sa Manila North Cemetery para sa Undas 2024.
Base sa inilabas na advisory, mayroon lamang 20 araw para sa paglilinis, pagpipintura at pagsasaayos sa mga puntod na nagsimula na noon pang Setyembre 15 at magtatapos sa Oktubre 25.
Hindi na rin maaaring tumanggap ng cremation o paglilibing paglagpas ng Oktubre 28.
Sarado na rin ang tanggapan ng Manila North Cemetery simula Okt. 27 hanggang Nobyembre 3, 2024.
Muling magbubukas ang serbisyo ng cremation at paglilibing sa Nob. 4, gayundin ang pagbubukas ng opisina ng sementeryo.
Simula Okt. 24 hanggang Nob. 4 ay bukas ang main gate ng sementeryo mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon lamang.
Ipinagbabawal na dalhin sa loob ng sementeryo simula Okt. 28 hanggang Nob. 4, ang alak o nakalalasing na mga inumin; flammable materials tulad ng thinner at pintura; baril at patalim; deck cards, bingo cards at iba pang gamit sa pagsusugal.
Ipinagbabawal din ang magsama ng mga alagang hayop gaya ng aso at pusa. (JESSE KABEL RUIZ)
