P3-M SHABU NASABAT SA LAGUNA

LAGUNA – Arestado ang dalawang lalaki matapos makumpiskahan ng P3 milyong halaga ng illegal drugs sa buy-bust operation sa parking lot ng isang mall sa Santa Rosa City noong Lunes ng hapon.

Isinagawa ng mga operatiba ng PDEA Batangas Provincial Office at PDEA Regional Office IV-A Special Enforcement Team 1, ang joint buy-bust operation pasado alas-5:00 ng hapon sa open parking lot ng mall sa Barangay Tagapo, Santa Rosa City.

Naaresto sa nasabing operasyon ang mga suspek na kinilalang sina Danilo Medina, 32, at Alvin Isales, 27, kapwa residente ng Barangay Barangka Drive, Mandaluyong City.

Nakuha sa mga ito ang 500 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3,400,000.

Nasa kustodiya na ng PDEA 4A ang mga suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (NILOU DEL CARMEN)

67

Related posts

Leave a Comment