ITINUTURING ng National Capital Region Police Office na naging daan sa matagumpay na operasyon ng pulisya ang “AAA” program na inilunsad mula nang maupong Acting Regional Director ng NCRPO si PBGen. Anthony A. Aberin noong Oktubre 23.
Magugunitang inihayag ni Gen. Aberin na naka-angkla ang kanyang pamumuno sa kanyang “AAA” policy. “A framework which emphasizes that the police force and all its members should be ‘Able, Active and Allied’ police officers.”
Naging malaking pagbabago sa kapayapaan at seguridad ang programang AAA kung saan ang konsepto nito ay paglingon sa “back to basics” sa pagsugpo at paglutas ng krimen.
Sa programa, prayoridad ang walang humpay, agresibo at makataong kampanya laban sa ilegal na droga, wanted sa batas, hindi lisensyadong baril, ilegal na sugal at mga simpleng krimen.
Sa usapin ng droga, mula Nobyembre 23 hanggang Disyembre 15, umabot sa 889 drug suspects ang naaresto sa isinagawang 589 drug operations habang umabot sa P59 milyong halaga ng droga ang nakumpiska.
Armado ng warrant of arrest mula sa iba’t ibang korte ng bansa, umabot sa 1,111 katao ang nadakip sa inilunsad na law enforcement operations kung saan nasa 498 sa mga naaresto ay pawang tinaguriang most wanted o high value target.
Naaresto ng mga tauhan ng NCRPO ang 154 suspek na nahulihan ng undocumented firearms habang sa pinakahuling operasyon ng Regional Special Operations Group ay nakumpiska ang matataas na kalibre ng baril at naaresto rin ang mga manufacturer at retailer ng nasabing mga baril.
Samantalang sa illegal gambling, 1,886 katao ang naaresto habang P357,865 halaga ang nakumpiska bilang ebidensya.
Tuloy-tuloy ang operasyon ng NCRPO sa ilalim ng mga programang ipinatutupad kasama ang lokal na mga ordinansa sa Kalakhang Maynila kung saan umabot sa 127,242 katao ang naaresto dahil sa paglabag.
Kaugnay nito, higit pang bumaba, ayon sa NCRPO, ang bilang ng mga krimen nang itinalaga si Aberin sa posisyon at inilunsad ang “AAA” scheme. (JESSE KABEL RUIZ)
10