PAG-APRUBA NG DOE SA CHEVRON-UDENNA DEAL DEPEKTIBO – SOLON

0

NANINDIGAN si Senador Win Gatchalian na base sa mga ebidensyang nakalap ng Senado, depektibo at hindi wasto ang ginawang pag-apruba ng Department of Energy (DOE) sa pagbenta ng 45% stake ng Chevron Malampaya sa Malampaya gas project sa Udenna group ni Dennis Uy.

“Sa aking opinyon, depektibo itong approval. Samakatuwid, hindi wasto ang pagsang-ayon ng DOE dito sa transaksyon dala ng maraming pabago-bago o magkakasalungat na pahayag. At para sa isang malaking transaksyong kagaya nito, dapat walang kalituhan. Sa halip na makapagbigay liwanag sa isyu, mas lalo kaming naguluhan sa naging pag-amin ng DOE na sila mismo ay nalito nang kanila itong suriin,” ani Gatchalian.

Ang pahayag na ito ng senador na ginawa sa pinakahuling pagdinig ng 2022 budget ng DOE ay matapos mapag-alaman mula kay Energy Secretary Alfonso Cusi na hindi kailangan ng bendisyon ng gobyerno ang paglipat ng shares ng Chevron sa UC Malampaya Philippines Pte Ltd. na pag-aari ng Udenna matapos itong isailalim sa pagsusuri base sa tinatawag nilang farm-in arrangement.

“Wala sa anomang dokumentong isinumite ng DOE na naging pamantayan ang argumentong farm-in rule. Simula pa noon, ang mga naunang mga pahayag ay kailangang aprubahan ito ng gobyerno batay sa prosesong nakalatag sa PD 87 at DC 2007,” giit ni Gatchalian.

Ang tinutukoy ng senador ay ang DOE Department Circular 2007-04-003 na naglalaman ng mga panuntunan at paraan na dapat sundin sa paglilipat ng rights and obligations sa mga petroleum service contracts na nakapaloob sa ilalim ng Presidential Decree 87.

“May mga naging pahayag ang DOE na hindi nila kailangang suriin at aprubahan ito ngunit ngayon ay inamin nila na inaprubahan nila ito noon gamit ang ibang pamamaraan. Nung binalikan ko ang mga dokumentong galing sa kanila, walang pagpapatunay sa sinasabi nilang gumamit ng ibang pamamaraan ang ahensiya sa pag-apruba ng naturang transaksiyon. Sa pagkakaalam namin, dumaan ito sa normal na proseso batay sa DC 2007,” sabi ng senador.

Hiningi ni Gatchalian ang paliwanag ni Cusi sa pagdinig ng budget ng DOE dahil sa nakalap ng Senate Energy Committee mula sa mga opisyal ng departamento noong Nobyembre 2020 kung saan sinabi nila na ang transaksyon ng Udenna at Chevron ay kailangang sang-ayunan ng DOE bago ito isapinal gaya ng nakasaad sa Section 11 ng PD 87.

Ito ang naging pahayag noon ni DOE Assistant Secretary Leonido Pulido na sinuportahan ng mga dokumentong isinumite ng ahensya sa Senado na nagsasabing ang paglipat ng shares ng mga nagmamay-ari sa Malampaya gas project ay kailangan ng pahintulot ng DOE bago isapinal ito. (ESTONG REYES)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment