PAMILYA SA MOTORSIKLO BINANGGA NG VAN, 1 PATAY

CAVITE – Patay ang isang ginang habang sugatan ang mister nitong driver ng isang motorsiklo, at ang 8-anyos nilang anak na batang babae nang mabangga sila ng isang utility van sa Carmona City noong Sabado ng gabi.

Pawang isinugod sa Pagamutang Bayan ng Carmona ang driver ng motorsiklo na si alyas “Nathan”, 49, misis nitong si “Julie”, 47, at anak nilang si “Lyza”, 8, pawang mga residente ng Brgy. Biga 2, Silang, Cavite subalit namatay ang ginang.

Kinilala naman ang driver ng isang utility van na may plakang NGK 4942, na si alyas “Romnick” ng Calamba City, Laguna.

Ayon sa ulat, dakong alas-9:30 ng gabi nang mangyari ang insidente kung saan minamaneho ni Nathan ang kanyang motorsiklo at angkas nito ang kanyang mag-ina, habang minamaneho naman ni Romnick ang isang utility van, at kapwa binabagtas ang Gov. Drive, Brgy. Bancal, Carmona City, Cavite patungo sa direksyon ng Biñan, City, Laguna.

Ngunit pagsapit sa pinangyarihan ng insidente, nabangga ng driver ng utility van ang motorsiklo ng pamilya dahilan ng matinding pinsala sa katawan ng mga ito.

Pawang isinugod sa ospital ang tatlo subalit binawian ng buhay ang ginang.

Sa isinagawang imbestigasyon, nabatid na nakainom ng alak ang driver ng utility van nang mangyari ang insidente.

(SIGFRED ADSUARA)

404

Related posts

Leave a Comment