TULUYAN nang ipinasara ang istruktura na unang ipinatayo bilang POGO Hub sa Island Cove sa Kawit, Cavite matapos itong i-padlock.
Siniguro naman nina Secretary of Interior and Local Government (SILG) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Alejandro Tengco na naipatupad ang kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maipasara lahat ng mga POGO Hub sa Pilipinas, kabilang ang POGO Island Cove sa Kawit, Cavite.
Napaalis na rin ang lahat ng mga dating empleyado at mga umuokupa sa loob ng POGO Hub gayundin ang mga kagamitan sa lahat ng mga opisina nito at tanging ang ilang construction workers na nagbabaklas ng ilang kagamitan na iniwan, at security guards na nagbabantay sa paggiba sa nasabing POGO Hub, ang naroroon.
Ayon kay Remulla, personal nila itong binisita upang masiguro at maipakita sa publiko na sinunod ang kautusan ng Pangulo na ipasara ang lahat ng POGO sa Pilipinas.
Bukod kina Remulla at Tengco, naging saksi rin sa pagpapasara ng POGO Hub sina Regional Director PB Gen. Paul Kenneth T. Lucas, Cavite Provincial Director Police Col. Dwight Alegre at iba pang opisyales.
Sa ngayon, wala pang plano kung ano ang gagawin sa inabandonang gusali, pero ayon kay General Manager Ron Lim ng First Orient Corporation, ang may-ari na umano ang magdedesisyon kung ano ang plano nito. (SIGFRED ADSUARA)
10