PUMATAY SA LIVE-IN PARTNER SA MUNTINLUPA, SUMUKO SA CAVITE

kulong

MAKALIPAS ang limang araw na pagtatago, kusang loob na sumuko sa Cavite Police ang isang lalaking suspek sa pagpatay sa kanyang live-in partner sa kanilang bahay sa Muntinlupa City, noong Sabado ng umaga.

Ang suspek na may nakabinbing warrant of arrest dahil sa kasong theft, ay kinilalang si alyas “Roland”, ng Brgy. Nicolas Virata, GMA, Cavite.

Ayon sa ulat, dakong alas-10:00 ng umaga nang i-turn over ang suspek kay Police Lt. Colonel Randy Oliquino, hepe ng GMA Municipal Police Station, matapos na kusang loob na sumuko kay GMA Municipal Mayor Maricel Torres.

Una rito, ang suspek at kanyang live-in partner ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo noong Marso 4, 2024 sa kanilang bahay sa Southville 3, Poblacion, Muntinlupa City.

Ayon sa suspek, sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo, kumuha umano ng kutsilyo ang kanyang live-in partner at tinangka siyang saksakin subalit naagaw niya ang kutsilyo at sinaksak niya sa leeg ang biktima na nagresulta sa pagkamatay nito.

Tumakas ang suspek at nagtago sa isang Japanese Cemetery sa Southville Poblacion sa Muntinlupa City hanggang sa nagtungo ito sa kanyang kapatid sa GMA, Cavite at noong Marso 9, hiniling nito sa kapatid na isuko siya kay Mayor Torres..

Bunsod nito, nahalungkat ang nakabinbing kasong theft ng suspek kung saan naglabas ng warrant of arrest si Presiding Judge Wendy Saria Reyes ng MTC, GMA, Cavite, na may inirekomendang piyansa na P10,000.

Ang suspek ay nasa kustodiya na ng GMA Police Station at nakatakdang i-turn over sa Muntinlupa City Police Station.

(SIGFRED ADSUARA)

154

Related posts

Leave a Comment