TARGETED RICE SUBSIDY PROGRAM IPATUPAD

INIREKOMENDA ni Senador Sherwin Gatchalian sa gobyerno ang pagpapatupad ng targeted rice subsidy program sa susunod na tatlo hanggang anim na buwan.

Kasunod ito ng naitalang 6.9 percent na inflation rate ng 30 percent ng mga household nitong Setyembre kumpara sa 6.1 percent na inflation na nararanasan ng lahat ng households.

Layon ng mungkahi ni Gatchalian na maibsan ang epekto ng food insecurity o kakulangan sa pagkain sa pinakamababang 30 percent income households.

Iginiit pa ni Gatchalian ang agarang pangangailangan na matugunan ng gobyerno ang mga hamon na dulot ng tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin upang mapahusay ang kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino.

Ipinaliwanag ng senador na bagamat lahat ay apektado ng tumataas na presyo, pinakaapektado naman dito ang sektor na kabilang sa poorest of the poor.

Ipinunto ng mambabatas na ang mga pagbabago sa presyo ay higit na may pinsala sa pinakamababang 30 percent income households lalo’t sila’y nakatuon sa mga pangunahing pangangailangan kaya naman ito aniya ang mas dapat na pagtuunan ng pansin ng gobyerno.

Umaasa si Gatchalian na ang mga ganitong inisyatibo tulad ng targeted rice subsidy ay makapagbibigay ng matatag na access sa abot-kayang bigas para sa mga mahihirap na kababayan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

279

Related posts

Leave a Comment