MASUSING iniimbestigahan ng pulisya ang insidente ng pagpaslang sa dating Jolo chief of police na sinibak makaraang masangkot ang siyam na mga tauhan nito sa pagkamatay ng apat na Army intelligence officer na tumutugaygay sa dalawang hinihinalang suicide bomber noong Hunyo.
Si dating Jolo, Sulu police chief, Lieutenant Colonel Walter Annayo ay binaril ng hindi kilalang gunman noong Sabado ng hapon sa Sultan Mastura, Maguindanao habang bumibili ng buko juice.
Ayon sa pagsisiyasat ng Maguindanao Police Provincial Office, ipinarada ng 41-anyos na si Annayo ang kanyang kotse para bumili ng buko juice sa Narciso Ramos Highway sa Barangay Macabiso nang dikitan ng suspek na sakay ng Toyota Fortuner at binaril ito sa ulo at katawan. (JESSE KABEL)
