DAVAO CITY – Ipatutupad ng mga awtoridad ang “No QR code, no travel” policy sa buong lungsod simula sa Nobyembre 7, 2020.
Lahat ng mga establisiyemento, pampubliko at pribadong tanggapan ay kailangang sumunod sa nasabing polisiya.
Ayon sa seksyon 1 ng ipinalabas na Executive Order Number 60 ng lokal na pamahalaan, hindi pahihintulutang makapasok sa lungsod ang isang indbidwal o byahero na walang maipakitang QR code na magsisilbing pass.
Kailangan din ang QR code para maka-access ng essential service, para sa trabaho o negosyo.
Ito ang magsisilbing pass sa lahat ng law enforcement checkpoints at barangay patrols na nagbabantay sa non-essential travels tulad ng pagdalo sa mga kasal o binyag na mariing ipinagbabawal.
Ayon kay Mayor Sara Duterte, maaaring magpatulong ang sinumang nahihirapan sa pagkuha ng QR code sa mga opisyal ng barangay o sa police stations lalo na ang walang mga smart phone o alam sa teknolohiya.
Naka-post din sa Official Facebook page ng City Government of Davao ang mga numero na maaaring tawagan sa anumang katanungan tungkol dito.
Matatandaan, matapos ipalabas sa publiko ang link ng pagpaparehistro sa QR code, marami ang mga nagreklamo kabilang ang mahinang response ng server at kalituhan ng karamihan kung paano makapagrehistro dahilan upang maglagay ng hotline ang lokal na gobyerno. (DONDON DINOY)
192
