BISTADOR Ni RUDY SIM
NAHAHARAP sa patung-patong na kaso si retired Comelec Commissioner Rowena Guanzon dahil sa paglalabas nito noon ng mga sensitibong impormasyon na may kinalaman sa na-dismiss na disqualification petition ng ilang mga tagasuporta ng isang talunang presidential candidate laban kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kinasuhan sa Office of the Ombudsman si Guanzon ng grupong Citizens Crime Watch, na ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, tumayong complainant sa kaso, maraming nilabag si Guanzon na ginamit ang kanyang kapangyarihan sa Comelec upang magkaroon ng access sa confidential documents ng ahensya na batay sa rules ng ahensya ay mahigpit na ipinagbabawal ang paglalabas ng resulta ng boto ng isang commissioner hangga’t hindi pa nailalabas ang resolution kung saan ay Presiding officer noon ng first division si Guanzon at ang kapwa nitong Commissioner na si Aimee Ferolino ang naatasan na magsulat ng resolution na kanyang inunahan.
Kabilang umano sa mga kasong kahaharapin ni Guanzon ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at violation ng Code of Conduct for Public Officials na hindi nararapat sa isang government employee.
Bukod dito ay matatandaang nagpakita rin ng kagaspangan ng asal ang dating opisyal nang awayin nito ang kanyang mga kapwa commissioner sa ahensya dahil sa hangarin nitong maging pabor ang resulta sa kanyang sinusuportahang kandidato.
Ang aksyong ito ay upang hindi gayahin ng iba pang government officials and employees na gamitin ang kanilang posisyon at magsilbing aral na ang ating batas ay mayroong ngipin para sa lahat at walang tinitignan ang timbangan ng katarungan maging sino ka man.
Matatandaang bukod sa mga banat at paninira ni Guanzon kay PBBM sa social media noong kasagsagan ng kampanya ay naging below the belt at unprofessional ang mga binitawan nitong salita at pagkilos na ikinagulat ng marami dahil sa mataas na pinag-aralan at narating nito sa buhay bilang isang abogada at dating opisyal ng Comelec.
Dahil sa kagaspangan ng ugali bilang isang public official at hindi magandang ehemplo sa mga kabataan ay nararapat lamang na baklasin sa listahan bilang first nominee ng nanalong P3PWD si Guanzon bago pa ito magkalat sa Kongreso. Ang iba’t ibang lider ng bansa kabilang si US President Joe Biden ay binati na si PBBM at nangakong palalakasin ang ugnayan ng bansa tungo sa muling pagbangon.
Sa kabila ng pambabastos at pag-alipusta sa pamilya Marcos mula pa noong 1986 ay hindi kailanman gumanti ang mga ito sa salita o sa gawa kaya’t mas lalong minahal at nagkaisang inihalal ng 31 milyong Pilipino si PBBM na muling ibalik ang pamamahala ng Marcos sa Malacañang na nagresulta ng isang makasaysayang halalan sa bansa sa kabila ng kaliwa’t kanang paninira ng kanyang mga kalaban sa pulitika.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
