SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA
PINAGHAHANDAAN na nina pole vaulter Ernest John Obiena at gymnast Carlos Yulo ang XXXIII Games of the Olympiad na gaganapin dalawang taon mula ngayon sa Paris, France.
Nagkataong ang 2024 Paris Games ay ika-100 taong paglahok din ng Pilipinas sa Olimpiyada, matapos unang katawanin ng sprinter na si David Nepomuceno ang bansa sa pangunahing lungsod ng France noong 1994. Kaya’t marapat lang na paghandaan ito nang mas maaga dahil sa kahalagahan nito sa history ng ating bansa, at upang magtuloy-tuloy ang matagumpay na kampanya sa Tokyo ni weightlifter Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Pilipinong Olympics gold medalist. Matatandaang sina Obiena at Yulo ay kabilang sa 17 atletang Pinoy na lumahok sa Tokyo Games noong nakaraang taon.
Ilang linggo pa lang ang nakararaan, si EJ ay nadiskubre ng kanyang coaching staff sa pangunguna ni Ukranian mentor Vitaly Petrov, na nagpositibo sa COVID-19 habang siya’y nasa Formea, Italy kung saan siya naka-base. Matapos mag-self-quarantine at gumaling, agad siyang sumabak at nakapag-uwi ng gold medal mula sa Taby Stavhoppsgala sa Sweden.
Tinalon ng 26 anyos na si EJ ang taas na 5.92m, .01 metro lamang ang kulang para mapantayan ang kanyang Asian rekord na 5.93m noong Setyembre 2021. Sa naturang torneo ay tinalo rin ng “Flying Pinoy” si Thiago Braz, ang ipinagmamalaki ng Brazil at dating Olympics gold medalist sa Rio de Janeiro edition. Si Braz na nagkasya sa silver medal (5.82m) ay sinundan ni Simeon Guttormsen (5.72m) para sa bronze.
Bago ang gold sa Sweden, kumolekta si EJ ng isa pang ginto sa European City of Sports sa L’Aquila, Italy nang lampasan ang 5.85m. Ngunit noong Huwebes ng nakaraang linggo, pang-anim lamang siya sa BAUHAUS-Galan sa Stockholm, na pinagwagian ni world record holder at Olympics champion Mondo Duplantis ng Sweden.
“Hindi pa siguro kumpletong nakakarekober sa COVID,” paliwanag ni Jeanette Obiena, ina ni EJ at isang kilalang hurdler noong kapanahunan niya. “But we’re sure, his Dad (Emerson na dating pole vaulter din) and myself, that he can fully make up. After all, what he’s preparing for is the next Olympics which is still two years from now.” Ayon pa kay Jeanette, isa o dalawa pang kompetisyon ang sasalihan ng kanyang anak bago ito sumabak sa World Athletics Championships sa Hulyo 15-24 sa Eugene, Oregon, USA.
Hindi naman nagpahuli si Yulo, dinomina ang Ninth Asian Gymnastics Championships sa Doha, Qatar, dalawang linggo na ang nakalilipas. Tatlong gintong medalya at isang pilak ang hinakot ng 22-anyos na batang Leveriza sa Maynila. Ang kanyang mga ginto ay mula sa paborito niyang floor exercise, men’s vault at parallel bars, habang silver siya sa men’s all-around. Sunod na lalahukan ni Yulo ang Artistic World Championships sa Liverpool sa Oktubre 29-Nobyembre 6.
Naniniwala si Gymnastics Association of the Philippines (GAP) President Cynthia Carrion, malaki ang tsansa ni Caloy hindi lang sa isa kundi dalawang gintong medalya sa 2024. Games. ”Paris Olympics, two gold medals. That is my prediction, could be more but no less.”
