PUMANGALAWA sa Kamila Skolimowska Memorial-World Athletics Continental Tour Gold sa Poland si Filipino pole vaulter EJ Obiena.
Lumundag ang 2020 Tokyo Olympian at world no.5 ng 5.80 meters para sa second place finish, Lunes ng madaling araw (Manila time).
Nagtabla sina Obiena at American KC Lightfoot, na nagtala rin ng parehas na marka.
Namayagpag sa torneo ang isa pang Amerikano na si Christopher Nilsen na tumalon ng 5.86m.
Nitong nakalipas na weekend ay tumapos lang na 10th place ang 25-anyos na Pinoy pole vaulter sa Allianz Memorial Van Damme-Diamond League sa Belgium nang tumalon ng 5.65m.
Sunod na sasabak si Obiena sa Diamond League finals sa Zurich, Switzerland mula Setyembre 8 hanggang 9.
Mas ‘mabibigat’ ang makakalaban niya rito gaya nina Olympic gold medalist at world record holder Armand Duplantis ng Sweden, Americans Sam Kendricks, Nilsen at Lightfoot, at French Renaud Lavillenie. (ANN ENCARNACION)
172 