SUGATAN ang isang construction worker makaraang barilin sa hita ng pamangkin ng kanyang misis sa Brgy. 13, Tondo, Manila nitong Biyernes ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Cesar Suinan, 59, construction worker, isinugod sa Gat Andres Bonifacio Medical Center dahil sa tama ng bala sa kaliwang hita, residente ng nasabing lugar.
Patuloy namang tinutugis ng mga operatiba ng Moriones Police Station 2 ng Manila Police District, ang suspek na si Jesus Yumol, 39, dating sekyu, ng naturan ding lugar, pamangkin ng misis ng biktima.
Batay sa ulat ng Sector 1 Alpha Line Beat 1, sa pangunguna ni Police Staff Sergeant Erwin Ruiz, kasama sina Police Staff Sergeant Garizen Paul Cruz at Police Corporal Ericson Caiisip, bandang alas-7:40 ng umaga nang mangyari ang insidente sa lugar.
Ayon sa ulat nagtalo ang dalawa dahil sa pagtatapon ng basura noong Huwebes.
Nitong Biyernes, nang magkita ang mga ito sa isang bakery kung saan nagsuntukan umano sila sa kalye.
Pagkaraan ay bumunot umano ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima na tinamaan kaliwang sa hita.
(RENE CRISOSTOMO)
