CAVITE – Patay ang isang construction worker nang pagbabarilin ng isang retiradong miyembro ng Philippine Navy matapos magtalo habang nag-iinuman sa Brgy. Lapitario, Trece Martires City sa lalawigan noong Martes ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Marlon Pareja Velaso, 47, ng Brgy. Lapidario, Trece Martires City, Cavite.
Samantala, hawak na ng pulisya ang suspek na kinilalang si alyas “Ric”, 59, tubong Occidental Mindoro at residente ng Brgy. Lapidario, Trece Martires City, nahaharap sa kasong murder.
Ayon sa ulat, bandang alas-2:40 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Brgy. Lapidario habang nag-iinuman ang dalawa.
Nang makarami na ng nainom, nagsanga-sanga ang kanilang kwentuhan hanggang sa hindi na nagkaintindihan at humantong sa mainitang pagtatalo.
Hindi nagpatalo ang retiradong sundalo na humantong sa suntukan hanggang sa nagbunot ng baril at suspek at binaril ang biktima.
Tinangka pa ng suspek na itago ang krimen sa pamamagitan ng pagtakip sa bangkay ng biktima ng isang iron sheet.
Agad namang naaresto ang suspek ang nakumpiska sa kanya ang baril na ginamit sa krimen.
(SIGFRED ADSUARA)
