KUNG pakikinggan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang OCTA Research Group, obligadong ipatupad ng una ang liquor ban at limitahan ang paglabas ng mga tao sa kanilang mga bahay sa National Capital Region (NCR).
Iminungkahi ito ni Dr. Guido David ng OCTA dahil sa biglang taas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa NCR simula Marso.
Nakita rin ni David batay sa datos na nakalap ng OCTA na “malaki ang posibilidad” na pumalo sa 6,000 bilang ng mga magkakaroon ng COVID-19 araw-araw sa susunod na mga buwan kapag hindi gumawa ng mapagpasyang hakbang ang IATF at local government units (LGUs) upang makaiwas sa naturang sakit.
Naniniwala ang OCTA na ang liquor ban at limitadong bilang ng mga tao na papayagang lumabas ay makatutulong nang malaki upang makontrol ang pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa NCR.
Isa sa mga nadiskubre ng mga mananaliksik ng OCTA ay pinagmumulan ng COVID-19 ang pagkukumpul-kumpol ng mga tao.
Idiniin ni David na kailangang ilunsad ito ng pamahalaan, sa pangunguna ng IATF, upang hindi maisantabi ang buong health care system ng bansa.
Ang mungkahi ng OCTA ay iba sa mga aksyong sinimulan at sisimulan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), 17 alkalde sa NCR, Department if Health (DOH) at Philippine National Police (PNP).
Iniulat ng SAKSI Ngayon nitong nakalipas na mga araw ang kanilang mga ginawa at planong gawin.
Ito’y makaraang isapubliko ng DOH kamakailan na marami nang kaso ng United Kingdom (UK) at South African (SA) variants ng COVID-19 sa ilang lungsod sa NCR.
APELA SA CURFEW
Samantala, umapela ang commuter advocacy group na ikonsidera ang sitwasyon ng nightshift workers sa pagpapatupad ng curfew hours.
Ayon sa The Passenger Forum (TPF), bagaman pabor sila sa panawagan ng DILG sa Metro Manila mayors na magpairal ng curfew, kailangan matiyak na hindi nito maaapektuhan ang mga manggagawa.
Ayon kay TPF Convenor Primo Morillo, “A significant percentage of the NCR workforce works at night or in the so-called graveyard shift, and they commute regularly within curfew hours. The move to implement uniform curfew hours certainly helps them but we also call on our government to standardize and simplify the policies how our nightshift workers can avail of their exemption from curfews.”
Itinutulak ng TPF na huwag isama sa mga sisitahin ang mga empleyado na magpapakita ng ID o dokumento na magpapatunay na sila ay nagtatrabaho sa mga kumpanya na may trabahong panggabi.
“The policy must be simple to lessen the inconvenience brought to these workers who will still commute during a time when it is not easy to find public transportation especially during curfew hours. We appeal to enforcers to be considerate since these workers are already tired and the current situation of our public transportation is not helping them,” ani Morillo.
Ipinaliwanag pa ni Morillo na sa kanilang monitoring ay kakaunti ang pumapasada lalo na sa gabi dahil limitado pa rin ang public utility vehicles (PUVs) na pinapayagan ng gobyerno. (NELSON S. BADILLA/JOEL O. AMONGO)
