“ANG gobyerno, hindi dapat pabigat sa taumbayan.”
Pahayag ito ni Agri party-list Rep. Wilbert Lee kaugnay ng odd-even scheme na ipatutupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa EDSA kapag sinimulan na ang rehabilitasyon nito sa June 19, ngayong taon.
Ayon sa mambabatas, pinabibigat ng MDDA ang buhay ng mga motorista kasama na ang maliliit na negosyante kaya naghain ito ng resolusyon para ipasuspinde ang odd-even scheme sa panahon ng rehabilitasyon.
Sa ilalim ng nasabing iskema, hindi pwedeng dumaan sa EDSA ang mga sasakyan na ang plaka ay nagtatapos sa 1, 3, 5, 7 at 9 sa mga araw ng Lunes, Miyerkoles at Biyernes habang bawal din sa nasabing lansangan ang mga plakang nagtatapos sa 2, 4, 6, 8 at 0 sa mga araw ng Martes, Huwebes at Sabado.
Sinabi ni Lee sa kanyang House Resolution (HR) 2294 na bagama’t ang layunin ng MMDA ay mabawasan ang mga sasakyan sa EDSA upang hindi maantala ang isasagawang rehabilitasyon, pinabibigat lamang ng ahensya ang buhay ng mga tao lalo na hindi pa maayos ang transport system at walang ibinigay na alternate routes.
“It is imperative for the MMDA to ensure that an efficient, safe and widely accessible public transportation system is in place before implementing such schemes that limit mobility options for the public,” ayon sa mambabatas.
Hindi lamang aniya ang maliliit na negosyante ang maaapektuhan sa sistemang ito ng MMDA kundi maging ang mga consumer dahil tiyak na idadahilan ang mahabang biyahe para tumaas ang presyo ng mga bilihin.
(BERNARD TAGUINOD)
