MGA ka-Saksi, isang mapagpala at ligtas na araw sa ating lahat. Mataas na naman ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 dahil sa Omicron variant.
Sinisisi na naman ang OFWs sa pagpasok sa bansa ng Omicron na mas mabilis makahawa sa ibang tao.
Hindi po maiiwasan na makapag-uwi ng virus ang mga OFW dahil galing sila sa ibang bansa na may mataas ding impeksyon ng virus. Hindi naman po nila ito kagustuhan pero kailangan din naman nilang umuwi sa pamilya matapos ang ilang taong kontrata.
***
Isa na namang kabayani natin ang nagpadala ng mensahe para makahingi ng tulong sa Aksyon Bantay OFW upang makauwi na siya sa Pilipinas.
Ang ating kabayani ay itago na lang natin sa pangalang Xander Yokap na tubong Mindanao at nagtatrabaho bilang domestic helper sa Dammam, Saudi Arabia.
Nai-deploy ang ating kabayani ng Gulf Horizon International Services noong July 30, 2019 at natapos na ang kanyang kontrata noong July 30, 2021 pa.
Pero ang masaklap, ‘di pa siya binibigyan ng permiso ng kanyang among si Mohammed saud al Zaineddin na makauwi ng bansa.
Ayon kay OFW Xander, halos 6 na buwan na siyang walang kontrata sa amo pero pinagtatrabaho pa rin siya sa bahay at eskwelahan nito.
Ayaw pa raw siyang bilhan ng plane ticket ng amo dahil gusto siyang manatili hanggang sa matapos ang Ramadan ngayon taon.
Narito ang bahagi ng pahayag ni kabayaning Xander sa kanyang mensahe sa ating kolum.
“Need to go home immediately. Finish 2 yrs contract since July 30, 2021 then waiting until now. Gusto ko na mag-exit pero ‘di pa nila pina-process ‘yung ticket. Sabi nila sa akin after Ramadan pa daw. Eh gusto ko na po umuwi kasi pagod na po ako, bugbog sa trabaho.”
***
Isa pang distressed OFW ang dumulog din sa AKO OFW Inc. na pinamumunuan ni Dok Chie Umandap para humingi ng saklolo sa pamahalaan.
Si Kabayaning Mitchell Rafael ay nai-deploy noong May 16, 2021 ng Catalyst Manpower sa bansang Qatar.
Inirereklamo niya ang pambubugbog ng kanyang amo dahil hindi siya pumayag na pumirma sa isang kasunduan na kapag hindi natapos ang kontrata niya ay magbabayad siya ng QD 18,000.
Matapos bugbugin, ibinalik siya ng amo sa agency nito, ngunit pinaiwan ang mga gamit at cellphone ng kawawang OFW.
Hindi na rin ibinigay ng amo ang sahod niya sa pagtatrabaho sa loob ng 24 na araw.
Abangan ang magiging tugon ng OWWA at POEA sa concern ng ating mga kabayani.
Tiniyak ni Dok Chie na ipinarating agad niya ang mga hinaing ng ating 2 kabayani sa concerned agencies para kagyat na matugunan at maaksyunan.
Para sa inyong komento, suhestyon at opinyon, ipadala lang sa dzrh21@ gmail.com.
