OFW DEPARTMENT LUMALABO

DPA

KUNG mayroong bagong ahensya ng gustong itayo ng gobyerno na malabong maipasa ay ang Department of Filipino overseas na dating kilala bilang Department of Overseas Filipino Workers.

Maraming mambabatas sa Kamara at maging sa Senado ang nagdadalawang isip na ipasa ang panukalang ito dahil para na ring nating inaamin na panghabambuhay na ang pagpapadala natin ng ­ating mga kababayan sa ibang bansa.

Kahit ang inyong DPA as in Deep Penetration Agent ay hindi kumporme sa bagong ahensyang ito dahil mistulang pangmatagalan na ang ­pag-eexport natin ng mga tao sa ibang bansa para lang tumaas ang ating dollar reserved at sumigla ang ating ekonomiya.

Para na rin nating ­inaamin na wala na tayong pag-asa na magkaroon ng trabaho ang ating mga kababayan kaya kailangang ipadala sila sa ibang bansa para sila ay mabuhay na matiwasay.

Ang China at India na top 2 sa buong mundo sa dami ng kanilang nationals na ­nagtatrbaho sa ibang bansa ay hindi iniisip na magtatag ng ahensya para sa kanilang mga ­kababayan na nasa abroad.

Sapat na ang mga ahensyang nangangalaga sa mga OFWs natin ­dahil nandyan naman ang Philippine Overseas ­Employment Administration (POEA) at mayroon pang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na pawang nasa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Katuwang nila ang Department of Foreign Affairs (DFA) at mayroon pang mga labor attaché sa mag bansa kung saan maraming Filipino na nagtatrabaho kaya bakit pa tayo magtatayo ng bagong ahensya?

Panibagong burukrasya ang Department of OFWs, at anong kasiguraduhan na hindi mawawala ang pang-aabuso sa ­ating mga kababayan kapag naitatag ang ­ahensyang ito?

Kailangan lang nating tutukan ang koordinasyon sa host countries para sa mga kababayan natin para masiguro na hindi sila maabuso at mapagsamantalahan ng kanilang mga employers.

At kung pang-aabuso ang pag-uusapan, dapat unahin ng estado ang pang-abusong ­nararanasan ng mga kasambahay dito sa Pilipinas dahil marami sa kanila ang ­inaabuso pero dahil hindi sila kasama sa tinawag na ‘bagong bayani’, ay halos hindi natin sila napapansin.

Oo nga pala, dapat ding bigyan ng pansin ang local employers na sinasamantala din naman ng mga kasambahay dahil alam nila na mahirap makakuha ngayon ng kasama sa bahay.

Yung batas na ­nagsasabi na P3,500 ang dapat sahurin ng isang kasambahay ay hindi makatotohanan dahil wala ng tumatanggap ng ganyang sahod sa ating bansa at P5,000 na ngayon ang pinakamababa.

May mga kasambahay din na bale nang bale sa kanilang amo at saka tatakas kahit hindi pa nakakabayad pero may ­katarungan bang makukuha ang mga employer? Wala ha! BERNARD TAGUINOD

 

 

235

Related posts

Leave a Comment