NOONG Biyernes, dumalo ako sa formal launching ng Global Peace Community Relation sa Camp Rafael Crame na pinasinayaan ni Chief PNP Guillermo Lorenzo Eleazar at Labor Secretary Silvestre Bello III.
Sa nasabing okasyon, ibinida ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang magiging partisipasyon sa pagtulong sa mga OFW sa iba’t-ibang panig ng mundo at pati na rin sa mga pamilya ng OFW sa Pilipinas.
Ang PNP ay nagpunyagi na maisakatuparan ang matagal nang pinasimulan ni P/Brig. Gen. Rhodel Sermonia na Global Police Community Relation sa iba’t ibang sulok ng ng mundo.
Kabilang sa plano nito ay ang pagtatalaga ng Police Attache sa bawat bansa na may maraming populasyon ng mga OFW.
Hangarin nito na maging tulay sa pagbibigay ng tulong sa mga OFW sakaling ang kanilang mga pamilya ay may kinakaharap na problema sa Pilipinas.
Samantala, sa loob ng ating bansa ay kanila namang palalakasin ang OFW HELP desk na siya namang direktang matatakbuhan ng mga pamilya ng OFW sakaling sila ay may kinakaharap na problema.
Batid kasi ng PNP ang paghihirap ng mga OFW sa tuwing oras na kanilang nababalitaan na may masamang pangyayari sa kanilang mga anak, o kamag-anak.
Mabigat sa puso at isipan ng bawat OFW sa tuwing may natatangap na masamang balita sa mga anak, o kamag anak.
Katulad halimbawa ang pagkahumaling ng mga anak sa droga, maagang pagbubuntis ng anak, pagkakasangkot sa mga frat war ng mga anak at pati na rin sa pag-aaway dahil sa kabuhayan.
Kung inyong maalala, nitong nakaraang Miyerkules ay aking nailathala sa ating kolum ang masamang pangyayari sa isang OFW sa Riyadh, Saudi Arabia na nasangkot sa kaso ng droga.
Ngunit ang mas higit na nakapagpasakit ng damdamin ng ating kabayaning OFW ay nang kanyang mabalitaan na ang kanyang dalawang anak na babae ay pinagsamantalahan, o ginahasa, ng hindi pinangalanang salarin.
Ang mga ganitong mga pangyayari sa buhay ng pamilyang OFW ay isa lamang sa tututukan ng PNP OFW Help Desk na sinusuportahan ng AKOOFW.
Importante na may kaalaman ang pulisya sa damdamin na kinakaharap ng mga OFW at pamilya ng OFW, kaya napakalaking tulong ang pagpapalakas ng OFW Help Desk sa bawat presinto.
Sa kabilang banda, ang AKOOFW ay patuloy pa ring magsusulong sa panawagan tungkol sa pagkakaroon ng OFW Advisory Council sa bawat barangay.
Simple lamang naman ang ating paniniwala na walang kalsada sa bawat barangay na walang OFW, o pamilya ng mga OFW.
Importante na ang sektor ng mga OFW ay naririnig ng bawat konseho upang makagawa ng mga ordinansa, o resolusyon, ang bawat konseho na mangangalaga sa bawat OFW at pamilya ng mga OFW.
Naniniwala ang AKOOFW na hindi na hahantong sa paghingi ng tulong ang mga pamilyang OFW kung sa simula pa lamang ay napag-handaan na ang maaring kasasapitan o mga suliranin ng mga OFW.
Importante na marinig ang boses at malaman ang damdamin ng mga OFW at mga pamilyang OFW sa pagbabalangkas ng anomang panukang batas, o ordinansa, sa bawat barangay, o munsipipyo.
Iminumungkahi ng AKOOFW na dapat ang bawat barangay ang magbuo ng OFW Advisory Council na pamumunuan ng Punong Barangay at ang mga miyembro ay mula sa hanay ng mga dating OFW at pamilya ng mga OFW.
265
