OFW HUMIHINGI NG AGARANG SAKLOLO SA PANG-AABUSO

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

NAKARATING sa OFW JUAN sa Saksi Ngayon ang isang matinding kaso ng pang-aabuso at paglabag sa karapatan ng manggagawa.

Kinilala ang OFW na si Divina Ganoot Perez, kasalukuyang nagtatrabaho sa At-Taif, Saudi Arabia. Siya ay na-deploy sa pamamagitan ng lokal na ahensyang Technilink Philippines Corp. at ng foreign recruitment agency (FRA) na Rokn Alaliyat Recruitment Office.

Ayon kay Divina, nagsimula ang kanyang kalbaryo ilang buwan pa lamang mula nang siya ay magsimulang magtrabaho. Ilang buwan umano siyang hindi sinahuran, kinukuha ang kanyang cellphone, at kalaunan ay umabot pa ng isang taon nang walang pagbabago. Umaasa pa sana siya na magbabago ang trato sa kanya, ngunit lalo lamang itong lumala.

Isinalaysay niya na nang subukan niyang bawiin ang kanyang cellphone, siya ay sinaktan mismo ng kanyang among lalaki. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pang-aabuso—kinuha ang lahat ng kanyang papeles, kabilang ang passport, at pati na ang lahat ng kanyang ipon. Ilang buwan na rin siyang hindi pinapasahuran at pinagdaramutan pa sa pagkain, kaya’t wala siyang kakayahang bumili kahit mga pangunahing pangangailangan.

“Gusto ko na pong umuwi pero ayaw nila akong pauwiin… Wala po akong pera kahit piso. Sa madaling araw baka kung ano pa ang mangyari sa akin.” Ito ang panawagan ni Divina, na sa ngayon ay nababalot ng takot para sa kanyang kaligtasan.

Mariing kinokondena ng OFW JUAN ang ganitong uri ng pagmamaltrato at hindi makataong pagtrato sa ating mga kababayan sa ibang bansa. Nanawagan ang grupo sa mga kaukulang ahensya, kabilang ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Migrant Workers Office (MWO) sa Saudi Arabia, na agad aksyunan at iligtas si Divina mula sa mapanganib na sitwasyon.

Ang kasong ito ay isa na namang patunay na kailangang palakasin pa ang proteksyon at mabilis na pagresponde sa mga hinaing ng mga OFW upang matiyak na ang kanilang karapatan at dignidad ay hindi niyuyurakan.

66

Related posts

Leave a Comment