Dumulog sa Ako OFW ang isa sa kamag-anak ng ating kabayani upang ihingi ng tulong si Jennielyn D. Pomarca na kasalukuyang nasa Dammam, Saudi Arabia.
Sa ipinadalang larawan ni Jennielyn ay talagang makikita na hindi na maganda ang kanyang kalusugan kung kaya siya ay nakikiusap nang husto na matulungan siya na maiparating ang kanyang kalagayan sa kanyang ahensya na MSL Human Resources Corp.
Ayon sa sumbong na ipinarating ni Jennielyn ay: “Ganito po kasi ‘yun, ang gusto po kasi ng amo kong babae ay magawa ko lahat ng trabaho. Eto eh hindi ko pa nagagawa ‘yung iba inuutos n’ya dahil nagpahinga po muna ako sandali dahil nahihilo ako. Tapos ay pumunta s’ya sa kwarto ko nakita n’ya ako at nagtanong bakit daw hindi pa ako namamalantsa ang sagot ko naman ‘madam masama pakiramdam ko nahihilo ako’.
“Pero imbes na maniwala ay lalo akong pinagsisigawan at galit na galit sa akin at saka ako sinapak sa mata.
“Hindi rin ako binibigyan ng sapat na pagkain at pinapahirapan n’ya ako sa trabaho tila sinasadya nilang magkalat at ‘di nila ako pinapahinga hanggang madaling araw. Hindi rin po ibinibigay ang sahod ko at hinihingian pa ako ng SR100 para raw sa sabon at shampoo.
“Tulungan po ninyo ako na makaalis na po rito at makabalik na po sa ating bansa.”
Ang Ako OFW ay nanawagan sa ahensyang MSL Human Resources upang bigyan ng pansin ang sumbong ng kanilang dineploy na HSW sa Saudi Arabia. Huwag sanang ikatwiran na panahon ng Ramadan kung kaya doble trabaho ang ating mga HSW, dahil sa tamang pakikipag-usap ng ahensya sa employer ay madali itong magagawan ng paraan.
Huwag sanang baliwalain ng MSL Human Resources ang ating panawagan dahil kalusugan at buhay ng isang OFW ang nakasalalay dito.
oOo
Ang Ako OFW ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga OFW. Ipadala po lamang ang inyong mga sumbong o reklamo sa aking email sa ako.ofw@yahoo.com (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
