OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
ISANG malaking tagumpay para sa ating kababayan sa ibang bansa ang muling naitala matapos ang mabilisang aksyon ng Migrant Workers Office (MWO) sa Saudi Arabia, kasunod ng sumbong na naiparating sa OFW JUAN sa DWDD 1134 kHz at sa kolum ng Saksi Ngayon.
Ang ating kababayang si Judylen Alisoso, isang overseas Filipino worker (OFW) na nagtatrabaho sa Jeddah, Saudi Arabia sa ilalim ng kumpanyang Thawabet Resources Company, ay humingi ng agarang tulong dahil sa kanyang mahirap na kalagayan. Sa pamamagitan ng kanyang local agency sa Pilipinas na Camox Phils, nakarating ang kanyang hinaing sa mga kinauukulan.
Hindi nagtagal, agad na kumilos si Labor Attaché Fidel A. Macauyag, na kilala sa kanyang maagap at puspusang serbisyo para sa kapakanan ng mga OFW. Ayon kay Labatt Macauyag, agad nilang inatasan ang foreign recruitment agency (FRA) na may hawak kay Judylen upang simulan ang proseso ng kanyang repatriation. Ipinag-utos din ang pakikipag-ugnayan sa employer upang maisaayos ang lahat ng kinakailangang dokumento.
Sa pinakabagong update na ibinahagi ni Labatt Macauyag, ipinadala niya mismo ang larawan ni Judylen kung saan makikitang hawak na niya ang kanyang pasaporte at airline ticket pabalik ng Pilipinas — malinaw na indikasyon na siya ay pauwi na sa lalong madaling panahon.
Ayon pa sa mga opisyal, ang mabilis na pag-aksyon ay resulta ng koordinadong pagkilos ng Migrant Workers Office (MWO), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ng mga kinatawan ng foreign agency, bunga ng panawagan mula sa media at masigasig na pakikipaglaban para sa karapatan ng mga OFW.
Ang programang OFW JUAN ay lubos na nagpapasalamat kay Labor Attaché Fidel A. Macauyag sa kanyang dedikasyon at mabilis na tugon, gayundin kay Atty. Sherelyn Malonzo ng OWWA, na palaging handang tumulong sa nangangailangang mga OFW.
Ang tagumpay na ito ay patunay na sa sama-samang pagkilos ng media, pamahalaan, at mga ahensyang nangangalaga sa kapakanan ng mga OFW, walang imposibleng problema ang hindi mareresolba.
Muli, ipinapaalala ng OFW JUAN sa ating mga kababayan na huwag mag-atubiling magsumbong kung kinakailangan — at kami ay handang umalalay.
