NANANAWAGAN ng agarang tulong ang isang OFW sa Riyadh para siya makauwi matapos umanong pag-initan ng amo sa hinalang may taglay siyang ‘magic’ o kulam.
Sa pamamagitan ng OFW JUAN, ipinaabot ng manggagawang mula sa Camiling, Tarlac ang panawagan ng agarang repatriation matapos ang kanyang kontrata bunsod ng matinding pang-aapi, pagbabanta, at maling paratang ng kanyang amo.
Sa impormasyon ng OFW JUAN, ang OFW ay si Rosalie G. Viernes, 33, dalaga, nagtatrabaho bilang domestic helper sa Al Kharj, Riyadh, Saudi Arabia simula pa noong Hulyo 24, 2023. Siya ay nadeploy sa ilalim ng Doha International Manpower Agency (lokal) at ng Shawad Agency (foreign agency), at kasalukuyang nakatalaga sa bahay ng among si Khalid Fahad Al Qahtani.
Ayon kay Viernes, natapos na ang kanyang kontrata noong Hunyo 8, 2025, ngunit hindi siya pinapayagang makauwi ng kanyang employer. Sa halip, siya ay pinagbintangan na may dalang “magic” sa bahay ng amo at binantaan na ipadadala sa pulis at ipakukulong.
“Sinabi ko na kung ayaw na niya sa akin, bilhan na lang niya ako ng ticket at ibigay ang exit visa ko. Pero ayaw niya. Galit na galit siya sa akin. Gusto ko na pong umuwi, dahil hindi na ito ang unang beses niya akong pinagbintangan nilagyan ko ng magic o kulam ang kanilang bahay. Wala naman po akong kasalanan at naging maayos naman ang serbisyo ko sa kanila ng apat na taon,” pahayag ni Rosalie.
Lubos na nangangamba si Rosalie para sa kanyang kaligtasan, at nababalisa na siya sa hindi makataong pagtrato ng kanyang amo. Ang kanyang ina na si Sally Viernes, na nakatira sa Malacampa, Camiling, Tarlac, ay nananawagan din sa mga kinauukulan partikular sa OWWA at Department of Migrant Workers sa Riyadh na tulungan ang kanyang anak na makauwi nang ligtas sa Pilipinas.
Iginiit naman ng mga OFW JUAN na walang karapatang pigilan o pagbintangan ang isang OFW matapos ang maayos na pagtupad sa kontrata. Isa itong panawagan sa gobyerno at embahada na agad aksyunan ang kaso ni Rosalie Viernes at tiyaking makauuwi siya nang ligtas at may dignidad.
