IPINARATING sa AKOOFW ang isang sumbong ng OFW na nasa Kuwait na binugbog ng amo. Kalakip sa kanyang sumbong ang mga larawan na nagpapakita ng mga pasa sa kanyang katawan bunga ng pagmamalupit ng kanyang amo.
Ang OFW na aking tinutukoy ay si Bernalyn Avila na kasalukuyan nang kinukupkop ng kanyang ahensya sa Kuwait na kinilalang Aldhara Agency. Ngunit bago siya nakarating sa nasabing ahensya ay nagpadala ito ng mensahe ng paghingi ng tulong kay volunteer advocate Aiysha Consuelo. Ayon kay Bernalyn, “Noon pong September 22, 2021 ay binugbog po ako ng amo kong lalaki. Ngayon po ay dinala po ako ng amo kong babae sa kapatid niya”.
Agad naman nasaklolohan si Bernalyn ng kanyang ahensya at dinala nga ito sa kanilang accommodation. Ang himutok ni Bernalyn ay hindi man lamang siya dinala ng kanyang ahensya sa medical clinic upang ipasuri ang kanyang mga galos at pasa. Iniinda rin ni Bernalyn ang sakit ng kanyang katawan dahil sa kanyang dinanas na pagbugbog ng amo.
Bagaman, ipinagbilin na ng ating OWWA Officers na dapat ipasuri sa doctor si Bernalyn, ay tila nagkibit-balikat lamang ang representante ng ahensya at hindi sinunod ang ipinagbilin ng OWWA.
Ang sumbong na ito ni Bernalyn ay ating ipinaabot kay Welfare Officer Genevieve “Jingle” Aguilar-Ardiente at kay Labor Attache Nasser Mustafa para sa mas akmang aksyon sa ahensya.
Samantala, dumulog din sa AKOOFW ang Local Government Unit (LGU) ng Jagna, Bohol upang humingi ng tulong para sa kanilang kababayan na nasa bansang Kuwait.
Dumulog kasi ang pamilya ni Melody Balonan dahil sa impormasyon nakarating sa kanila na ang nasabing OFW ay minamaltrato at inabuso ng kanyang amo. Ang ahensya ni Melody sa Kuwait ay ang Aliali International Office.
Hinihiling ng kanyang pamilya na matulungan si Melody na mailigtas ito sa kanyang mapang-abusong amo at matiyak din na makauwi na ito sa lalong madaling panahon.
Ang sumbong na ito ng LGU Jagna ay agad nating ipinarating kay Welfare Officer Jingle para sa mabilis na pag-aksyon. Mabilis namang tumugon sa aking kahilingan si Welfare Officer Jingle at siya ay makikipag-ugnayan sa pulisya at sa ahensya ni Melody.
Gayundin ang kahilingan naman ni OFW Johana Francisco na matulungan siyang makauwi na sa Pilipinas dahil tapos na naman niya ang kanyang kontrata. Ayon kay Johana “Finish contract na po ako pero ayaw akong pauwiin ng aking amo. Naaksidente po ako at nawalan ng malay dahil tumama ang aking ulo sa semento, dinala naman po ako sa ospital, pero iniwan lamang po ako doon at ako ang nagbayad ng aking ginastos sa ospital. Sa ngayon ay ipinapasapasa na lang din po ako sa mga kapatid ng aking amo para dun magtrabaho.
Nakikiusap po ako na matulungan na makauwi na sa Pilipinas”.
Ang sumbong na ito ni Johana ay aking ipinarating kay Welfare Officer Jingle at kasalukuyan nang binibigyan ng aksyon.
231
