HINDI pa man nagsisimula ang pagpapadala ng mga Household Service Workers (HSW) sa Kuwait ay eto na naman at mainit na pinaguusapan ang isa na namang kaso ng pagkamatay ng isang OFW sa bansang Kuwait.
Kamakailan ay may nagpadala sa akin ng larawan na kung saan isang OFW ang nakahandusay sa gilid ng kanyang kama na wala ng buhay. Palaisipan sa mga kamag-anak kung ang naturang bangkay ng OFW ay pinatay o kung siya ba ay sadyang nagpakamatay.
Ang OFW na aking tinutukoy ay si OFW Jocelyn Reonal na mula sa probinsiya ng Pangasinan. Ayon sa impormasyon na ipinarating sa AKOOFW ng kanyang anak na si Rose Reonal, ang kanyang ina ay nakarating sa bansang Kuwait noong April 8, 2019 sa pamamagitan ng FORZA Global Services Inc. na may opisina sa Leon Guinto Manila.
Kamakailan ay nakatanggap ng tawag sa telepono ang anak ni OFW Jocelyn na si Rose upang ipaalam sa kanya ang pagkamatay ng kanyang Ina. Diumano ay inatake sa puso ang kanyang ina at natagpuan ng walang buhay sa loob ng kanyang kwarto sa Kaifan, Kuwait.
Labis na nag-aalala ang pamilya ni OFW Joselyn dahil hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang natatangap na opisyal na ulat mula sa embahada ng Pilipinas sa Kuwait at maging sa Office of Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA).
Nagtungo na sa OUMWA ang pamilya Reonal upang ipagbigay alam ang kanilang natangap na balita. At hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin silang natatangap na tawag.
Ibig malaman ng pamilya Reonal kung ano ang tunay na resulta ng otopsiya kung mayroon man.
Bagaman sinabi ng kaibigan ng kanyang ina na ito ay natagpuan patay sa loob ng kuwarto dahil sa “heart attack” ngunit ibig pa rin ng pamilya na maka siguro sa tunay na kadahilanan.
Ibig din malaman ng pamilya kung saan ospital o morge nakahimlay si OFW Jocelyn upang masilip man lamang ng kapatid nito na nasa bansang Kuwait din sa kasalukuyan.
Nais din malaman ng pamilya Reonal kung kailan mapapauwi sa Pilipinas ang bangkay ng kanilang kaanak.
Tanging sa larawan lamang na nakahandusay sa gilid ng kanyang kama naglalaro ang kanilang kaisipan na kung saan ay kanila ngang tinatanong kung si OFW Jocelyn ba ay inatake sa puso o may pumatay sa kanya.
Ang AKOOFW ay nakiusap kay Atty. Llewelyn Perez, Welfare Officer ng Overseas Worker Welfare Administration na nakabase sa Kuwait upang makipag-ugnayan sa Philippine Embassy-
Assistance To National Unit upang alamin ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni OFW Jocelyn.
Umaasa ang AKOOFW na magkakaroon na ng linaw at impormasyon na magmumula sa mismong opisina ng ating embahada sa Kuwait para sa kapanatagan ng isipan ng kanyang naiwan na pamilya.
Sa hanay naman ng OWWA ay akin silang tutulungan na matanggap ang mga benepisyo na maari nilang matangap katulad ng kanyang burial assistance at burial benefits at maging ang anumang maitutulong sa kanyang naiwan na anak.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o i paabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.
