NAGSUMBONG ang kapatid ni OFW Genele Conlu sa AKOOFW dahil umano sa pambabastos sa kanyang kapatid na kasalukuyang nasa Riyadh, Saudi Arabia.
Si Genele Conlu ay dumating sa Riyadh Saudi Arabia noong Hunyo 2018 sa pamamagitan ng Continuous Resources International, Inc. Maayos naman ang kanyang pagtatrabaho kung kaya siya ay tumagal sa kanyang amo. Ngunit nitong nakaraan ay nadarama na niya ang takot at pangamba dahil sa kakaibang ginagawa ng kanyang amo.
Ayon sa sumbong ni Genele sa kanyang kapatid na si Sylvia, “Binabastos po siya ng amo n’yang lalaki, nung una po ay pahawak-hawak po sa kanyang kamay at binti, pinapatay rin po lahat ng camera sa bahay at tinatawag siya pero nang kinalaunan po ay mas lalong lumala bukod po sa hinahawakan ang kanyang kamay ay hinabol po siya nito at humawak na kung saan-saan at inalok na babayaran siya kapag hinalikan niya, bukod pa po d’yan ay nagpakita na rin po ang amo niya sa kanya nang nakahubad at nakatayo ang ari. Natatakot din po siyang magsumbong sa among babae dahil baka baliktarin po siya nung amo niyang lalaki at sabihing siya po ang nang-aakit dahil likas na po sa kanyang among babae ang pagiging selosa. Humihingi po siya ng tulong na sana po ay makuha po siya dun dahil natatakot po siyang umabot sa puntong hindi na niya mapigilan ang kanyang among lalaki na magawa kung ano man ang gusto nitong gawin sa kanya o mahulog sa mas matinding sitwasyon”.
Labis-labis na ang pangamba ni Genele at ng kanyang pamilya na baka kung saan pa humantong ang kasalukuyang dinaranas nito mula sa kanyang employer.
Ang sumbong na ito ay ipinarating ng AKOOFW kay OWWA Overseas Operations Director Connie Marquez na agad namang tinawagan ng pansin ang ating welfare officer sa Riyadh upang kamustahin si Genele at kung kinakailangan ay dalhin agad ng ahensya sa POLO-OWWA.
Samantala, nagtungo ang buong tropa ng AKOOFW sa Baseco Compound upang magbigay ng ayuda at pagkain para sa 189 pamilya na nasunugan ng mga tirahan sa nasabing lugar.
Noong Martes ng gabi ay agad na nagtungo ang AKOOFW Volunteers upang mag-abot ng kumot, tuwalya, bigas, noodles at ipa pang relief goods na maaaring makatulong kahit panandalian lamang. At kinabukasan ng Miyerkoles ay muling nagtungo ang AKOOFW, dala ang mobile kitchen na naghanda naman ng bagong lutong pagkain na ipinamahagi sa mahigit 700 indibidwal kabilang na ang mga kabataan.
Sa darating na Oktubre 19 ay magtutungo naman ang AKOOFW Mobile kitchen sa Calihan, San Pablo City, Laguna upang magbahagi ng pagkain sa mga lugar na apektado ng pandemya sa lungsod.
