OFW SA RIYADH NAPAPANOT NA ULO DAHIL SA PAGSABUNOT NG AMO

SOBRA akong nalungkot sa ipinadala sa akin na larawan ng isang OFW sa Riyadh Saudi Arabia na kung saan ang ilang parte ng kanyang ulo ay napapanot o nakakalbo na at ang itinuturong ­dahilan ay ang malimit na pagsabunot sa kanyang buhok ng kanyang amo.

Bukod sa napapanot na ulo ay makikita rin sa larawan ang ilang pasa sa kanyang katawan at braso na diumano ay dahil sa pagmamalupit ng kanyang amo dahil lamang sa mga maling pagbibintang.

Ang OFW na nagpadala ng kanyang ­karaingan at sumbong ay si ­Norhanie Maulana Gani na sa kasalukuyan ay nasa Albaydah, Riyadh, Saudi Arabia.

Siya ay nakarating sa nasabing bansa sa pamamagitan ng ahensya na Mayon International Trading Corporation noong February 21, 2018.

Kung tutuusin ay natapos na ni OFW Norhanie ang kanyang kontrata ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya pinapayagan na maka-uwi sa Pilipinas.

Idinulog na niya at ng kanyang pamilya sa ­Mayon International ­Trading Corporation ang problema ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin itong ginagawang anumang hakbang para siya ay masaklolohan.

Bukod sa pisikal na pananakit sa kanya ng kanyang amo na si Maha Alrakhis, ay nararanasan din niya ang matinding gutom na dahilan ng kanyang panghihina at pagkakasakit. Diumano ay hindi siya binibigyan ng sapat na pagkain.

Hindi rin siya nagkakaroon ng sapat na oras sa pagpapahinga at diumano ay kulang na kulang na rin siya sa tulog na ­nagiging dahilan ng kanyang ­pagkahilo. Sa tuwing oras na siya ay makikita ng kanyang amo na tila nanghihina ay imbes na pagpahingahin ay sinasabihan lamang siya na siya ay umaarte lamang at nagsisinungaling.

Labis-labis na ang pakiusap ni OFW Norhanie na siya ay masaklolohan upang matapos na ang kanyang labis-labis na pagdurusa sa kanyang malupit na employer.

Sa katotohanan, ang nasabing malupit na ­employer ay hindi naman niya tunay na employer, bagkus ito ay ang bagong employer niya matapos na siya ay ibenta o i-transfer ng kanyang dating amo.

Ang AKOOFW ay labis na nakikiusap sa Philippine Overseas ­Employment ­Administration (POEA) Legal Division at sa Anti-Human Trafficking Division upang papanagutin ang ahensya ni OFW ­Norhanie. Gayundin ay tinatawagan natin ng pansin ang POEA Repatriation Unit upang siguruhin na mapapauwi na sa Pilipinas si OFW Norhanie sa lalong mada­ling panahon.

Dapat din papanagutin ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ang Saudi recruitment agency na Alsweedar Recruitment Agency dahil sa ­pagpapabaya nito na ­imonitor ang kinalalagyan at pati na rin ang ­kalagayan ng kanilang dinideploy na OFW sa Saudi Arabia. Dapat din papanagutin ng POLO ang dati nitong employer dahil sa ginawa nitong pagbebenta sa ibang amo.

Ang sumbong na ito ni OFW Norhanie sa pamamagitan ni AKOOFW officer Aiysha Consuelo ay agad kong ipinarating sa masipag na OWWA Welfare Officer sa Riyadh na si Racquel Llagas Kunting para sa mabilis na pakikipag-ugnayan sa kanyang ahensya.

Ang AKOOFW ay mananatiling nakatutok sa kasong ito upang masiguro na mabibigyan ng mabilis na tulong at saklolo si OFW Norhanie mula sa kanyang malupit na employer.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

200

Related posts

Leave a Comment