OFW SA SAUDI ARABIA HILING AGARANG REPATRIATION

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

DUMULOG sa OFW JUAN sa Saksi Ngayon ang isang overseas Filipino worker (OFW) na nagtatrabaho bilang hospital cleaner sa Saudi Arabia, upang manawagan ng tulong para makauwi agad sa Pilipinas dahil hindi umano siya maayos na pinasasahod ng kanyang employer.

Kinilala ang OFW na si Jhayzell Marasigan Vito, 28-anyos, dalaga, at kasalukuyang naka-deploy sa Abha, Saudi Arabia. Dumating siya sa nasabing bansa noong Nobyembre 30, 2024 sa pamamagitan ng lokal na ahensya na Sun Hikkari at foreign agency na Geha Company.

Ayon sa kanyang salaysay, napilitan siyang mag-“run away” mula sa kanyang pinagtatrabahuan sa Riyadh dahil sa kawalan ng tamang pasahod at umano’y hindi na maayos na kalagayan sa kanyang kinaroroonan.

“Gusto ko na po umuwi ng Pilipinas dahil nag-run away ako. Hindi po ako pinapasahod nang maayos at hindi na maganda ang kalagayan ko dito. Sana po matulungan ninyo ako sa lalong madaling panahon. Maraming salamat po,” ani Vito sa kanyang panawagan.

Si Vito ay nakatalaga sa ilalim ng employer sa Riyadh, subalit kasalukuyang nasa Abha habang sinusubukan ang kanyang sitwasyon. Kanyang ipinagbigay-alam ang problema upang humingi ng tulong mula sa kinauukulan at mga organisasyong tumutulong sa mga OFW.

Ang kaso ni Vito ay isa lamang sa maraming reklamo ng mga manggagawang Pilipino sa abroad na nakararanas ng hindi tamang pasahod, paglabag sa kontrata, at hindi makataong kondisyon sa trabaho.

Sa panawagan ni Vito, umaasa siyang agad na makauuwi sa Pilipinas upang makapiling muli ang kanyang pamilya at makapagsimula ng panibagong buhay.

55

Related posts

Leave a Comment