HINDI na sapat ang nalalabing panahon sa termino ng mga kongresista ang pagbalangkas at pagpasa ng batas na magbibigay daan sa pagbabalik sa gobyerno ng kontrol sa presyo ng mga produktong petrolyo, ayon kay Anakalusugan partylist Rep. Mike Defensor kasabay ng panawagang unahin sa adyenda ng kongreso ang suspensyon ng excise tax sa langis.
Giit ni Defensor, mas angkop na iprayoridad ng Kamara ang kagyat magbibigay tugon sa hinaing ng mga sektor na lubhang apektado sa lingguhang taas-presyo ng mga produktong petrolyo mula buwan ng Enero.
Gayunpaman, bukas naman aniya ang posibilidad na sabay na lang talakayin ng mga mambabatas ang panukalang suspensyon sa oil excise tax at sa Republic Act 8479 (Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998).
Paglilinaw ni Defensor, suportado niya ang pagrerebisa ng RA 8429 na nagsalin ng oil price control sa mga dambuhalang oil companies.
“I am for revisiting the law that deregulated the oil industry, but in terms of providing our people immediate and direct relief from soaring fuel prices, suspending taxes on oil products is considerably a better option,” ani Defensor.
Paniwala ni Defensor, kahit pa agad nilang talakayin sa plenaryo ang pagrerebisa sa RA 8429, hindi na aniya magagawa pang makapagbalangkas ng amendments ang Kongreso dahil na rin sa pawang abala na sa nalalapit na halalan ang mga mambabatas sa Kamara at Senado.
“I am for that (rebyu ng RA 8429). But how many years would that take? In the meantime, our people are clamoring for instant relief,” pahabol ni Defensor, sabay giit na ipasok sa adyenda ng Kamara ang House Bill 10411 na naglalayong suspindihin ang buwis sa langis sa loob ng tatlong taon na nakapaloob sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. (BERNARD TAGUINOD)
177
