SA edad na 59 ay pumanaw na si 1988 Seoul Olympics boxing bronze medalist at retired Philippine Army 2nd Lt Leopoldo Serantes.
Kumplikasyon sa chronic pulmonary disease ang ikinamatay ng dating light flyweight, ayon sa kanyang anak na si Leodelyn.
Ayon kay Leodelyn, labas-pasok sa ospital ang kanyang ama simula pa nitong Enero. Labintatlong (13) beses din itong nalagyan ng tubo at na-ICU sa Veterans Memorial Hospital sa Quezon City.
Kaugnay nito ay humihingi siya ng tulong para maiuwi ang labi ng kanyang ama sa kanilang bahay sa Dasmariñas, Cavite.
Maliban sa bronze medal mula sa 1988 Seoul Olympics, kabilang sa mga karangalang naiuwi sa bansa ni Serantes ay dalawang gold medals mula naman sa 1985 at 1987 Southeast Asian Games men’s light flyweight.
Kabilang din siya sa pinakahuling batch ng mga bayaning atleta na naluklok sa Hall of Fame ng Philippine Sports Commission (PSC). (ANN ENCARNACION)
203 