OMBUDSMAN MARTIRES BINANATAN SA SUSPENSYON NG CEBU GOV.

UMANI ng batikos si Ombudsman Samuel Martires matapos isiwalat ng mga dokumento ang mga iregularidad sa suspensyon ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia.

Taliwas sa mga naunang pahayag, ang reklamo ay isinampa noong Abril 21—hindi Abril 19—at agad namang naghanda ng resolusyon si Martires noong Abril 23 na siya ring lumagda nang mag-isa sa sumunod na araw. Lalong naging kontrobersyal ang desisyon dahil ito’y inilabas nang walang pormal na imbestigasyon o rekomendasyon mula sa isang panel.

Dahil isinabay ang suspensyon sa panahon ng eleksyon, umani ito ng malawak na pagbatikos sa buong bansa.

Upang masukat ang epekto nito, nagsagawa ng survey ang RPMD Foundation Inc., katuwang ang RPMD News Network Inc. kung saan lumabas sa resulta na 98% ng mga Cebuano ang nananatiling sumusuporta sa muling pagtakbo ni Governor Garcia.

Mariin nilang kinondena ang desisyon ng Ombudsman at pinuri si Garcia sa kanyang mabilis at mabisang pagtugon sa krisis sa tubig sa lalawigan.

Ayon kay Dr. Paul Martinez, Global Affairs Analyst at Executive Director ng RPMD, hindi quarrying ang proyekto kundi desilting—isang hakbang upang mapanumbalik ang natural na daloy ng tubig sa Mananga River para masuplayan ng Metro Cebu Water District (MCWD) ang mga lungsod at bayan. Ang proyekto ay inaprubahan ng pamahalaang panlalawigan, mga lokal na pamahalaan, at mga pambansang ahensya. Dahil dito, tumaas ang kapasidad ng ilog mula 7,000 patungong 37,000 cubic meters—nang hindi binabago ang lalim o lapad nito.

Ngunit nang gamitin ang salitang “quarrying,” agad itong nagpaalala sa publiko ng Apo Land and Quarry Corporation (ALQC)—pinahinto ni Governor Garcia ang operasyon matapos ang mga ulat ng paglabag at reklamo.

Ang ALQC ay sangkot sa trahedyang pagguho ng lupa noong Setyembre 20, 2018 sa ilalim ng kanilang mineral production sharing agreement (MPSA)—isang insidenteng nag-iwan ng matinding trauma sa mga Cebuano.

Lalong tumindi ang hinala ng publiko matapos isiwalat sa press conference ni Governor Garcia na ang nag-iisang contractor ng ALQC ay ang Geo-Transport and Construction, Inc., na pag-aari ni Stanley Chona—asawa ni Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Faith A. Econg.

“Hindi bulag ang mga Cebuano,” ani Dr. Martinez. “Sila ay mapanuri, matalino, at alam kung kailan sila nililinlang. Ang patuloy nilang suporta kay Governor Garcia ay hindi lang dahil sa pamumuno nito, kundi dahil sa paninindigang tutulan ang pamumulitika at kawalang katarungan.”

28

Related posts

Leave a Comment